Search
  • BULGAR

Dallas Mavs, ginulat ang Jazz; Brooklyn Nets, solo lider na

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 7, 2021




Lima na ang sunod-sunod na panalo ng Dallas Mavericks at malaking biktima ang bumagsak sa katauhan ng numero unong Utah Jazz, 111-103, kahapon sa American Airlines Center. Hawak ng Mavs ang laban buhat pa noong first quarter at umangat ang kanilang kartada sa 28-21 habang numero uno pa rin ang Jazz sa buong NBA sa 38-12.

Naging sapat ang 18 puntos na lamang ng Dallas matapos ang third quarter, 87-69, at humabol ang Jazz sa likod nina Mike Conley Jr. at Jordan Clarkson subalit kinapos sa oras. Nanguna sa Mavs si All-Star Luka Doncic na may 31 points at sinundan ni Dorian Finney-Smith na may 23 puntos.

Nakamit ng Brooklyn Nets ang solong liderato ng Eastern Conference matapos takasan ang kapitbahay na New York Knicks, 114-112, salamat sa dalawang free throw ni Jeff Green na may 3.7 segundong nalalabi. Umapoy para sa 40 puntos si Kyrie Irving at nagtapos na may 23 si Green upang takpan ang maagang pagkawala ni James Harden sa unang apat na minuto dahil nasaktan ang hita.

Ibinaon ni Gary Trent Jr. ang tres sabay tunog ng huling busina upang itulak ang kanyang bagong koponang Toronto Raptors kontra sa Washington Wizards, 103-101. Namuno sa Raptors si Pascal Siakam na may 22 puntos habang parehong may 16 puntos sina Malachi Flynn at Trent na kalilipat lang galing Portland Trail Blazers.

Bunga ng pagkabigo ng Jazz, nakalapit sa kanila ang pumapangalawang Phoenix Suns matapos lusutan ang Houston Rockets, 133-130, para sa 35-14 panalo-talo. Ipinasok ni Devin Booker ang 18 ng kanyang 36 puntos sa 4th quarter upang mapigil ang paghabol ng Rockets habang may 27 puntos at 11 rebound si Deandre Ayton.


Nakahanap ng bihirang tagumpay ang kulelat sa buong NBA na Minnesota Timberwolves laban sa Sacramento Kings, 116-106. Sa kanyang pagbalik matapos maoperahan sa tuhod noong Pebrero, nagtala ng 25 puntos si D’Angelo Russell bilang reserba at sinundan ni Karl Anthony Towns na may double-double na 23 puntos at 13 rebound.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.