top of page

Dahilan ng hiwalayan… MCCOY, 'DI PA RIN TANGGAP NG MADIR NI ELISSE KAHIT MAY ANAK NA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 7, 2023
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | January 7, 2023




Palaisipan sa mga netizens kung bakit binura na ni McCoy De Leon ang ipinost niya sa kanyang IG Stories kung saan inamin niyang hiwalay na sila ng live-in partner at nanay ng anak niyang si Elisse Joson.


Maging ang open letter niya sa anak na ipinost niya noong Disyembre 19 ay edited na rin, ang natira ay ang caption na, “Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita.”


Gusto naming isiping bugso ng damdamin ng aktor kaya niya nasabi ang lahat at nang makapag-isip-isip ay binura na niya o baka naman may nagpayong burahin lahat dahil baka puwede pa nilang ayusin ni Elisse ang relasyon nila.


Anyway, may nakausap kaming reliable source na sobrang down na down si McCoy dahil bukod sa hiwalay na sila ni Elisse ay hindi pa niya nakikita ang anak na si Felize McKenzie.


Buwan ng Agosto, 2022 ay on the rocks na raw ang McLisse, pero makikita naman sa mga IG posts ng aktres na may mga out of town travels sila ni McCoy at ang huling post na magkasama silang pamilya ay noong Halloween.


Ang caption ni Elisse ay, “Welcome to the Future #Halloween2022.”


“Hindi na natiis ni McCoy, naglabas na siya ng sama ng loob kasi ang tagal na niyang kinikimkim.


August last year (2022) pa sila on the rocks, hindi sila magkagalit ni Elisse, inaayos naman nila, kaso hindi na kinaya,” kuwento ng aming source.


Ang isa umano sa mga itinuturong dahilan ay ang hindi pa rin totally tanggap si McCoy ng mommy ni Elisse na si Dra. Christine Joson-Diuco na nasulat naman na dati pa. Pero labis na pinasasalamatan ng aktor ang lola ng kanyang anak dahil ito ang nag-asikaso noon sa Tate nang manganak ang aktres at iniuwi lang si Felize McKenzie sa Pilipinas noong tatlong buwan na ito.


Sa pagpapatuloy ng aming reliable source, “Alam naman ng lahat, 'di ba, na hindi boto ang mommy ni Elisse kay McCoy? Inamin din naman ito ni McCoy sa mga nauna niyang interviews, pero grateful naman siya kasi 'di ba, doon nanganak si Elisse sa States?


“Sayang nga ‘yung nire-rent nilang bahay kasi wala nang nakatira now, eh, bayad na ‘yun kasi si Elisse, nasa mommy na niya siya nakatira. At si McCoy naman, may condo sa Timog, QC.”


Pinag-uusapan sa showbiz events at pati na rin sa radio program nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika na Cristy Ferminute na napapakinggan sa Radyo5 92.3 News FM kung ano'ng ibig sabihin ni McCoy sa sinabi niyang sumuko na siya.


Parte ito ng mga posts ng aktor bago niya binura, “Hindi ko po intensiyon manakit ng tao o manloko. Sadyang dumating lang po sa point na sobrang bigat lang ng problema kaya po ako sumuko.”


Sa pagpapatuloy ng aming reliable source, “'Yung sinasabi ni McCoy na siya na ang sumuko ay dahil hanggang ngayon ay hindi boto sa kanya ang mommy ni Elisse. Hindi kasi siya isinasama sa mga lakad like sa out of town, naeetsapuwera siya. Maraming beses na talaga.”


May mga posts nga si Elisse na out of town trips na kasama ang Mommy Christine niya at anak na si Felize at kapansin-pansin nga na wala si McCoy.


Baka naman kasi natatapat na may trabaho ang aktor kaya posibleng hindi talaga siya nakakasama.

Pagsisiguro ng aming reliable source, “Hindi talaga siya isinasama. Matagal namang walang work si McCoy, hindi talaga siya kasama!”


Nu’ng naghiwalay daw ang McLisse ay okay pa sila kasi nag-uusap at inaayos nga nila, pero ngayong katagalan ay tila hindi na kinaya kaya sumuko na nga si McCoy.


Naitanong din namin ang tungkol sa social media influencer na si Mary Joy Santiago na nali-link kay McCoy dahil sa larawang magkasama sila.


“'Yung Mary Joy naman, hindi naman ‘yan. Magkakaibigan sila, nag-inuman sila, tapos nagpa-picture lang. Marami naman sila that time, picture-picture lang, kaya ‘wag idamay ‘yun,” kaswal na pahayag ng aming kausap.


At kinumpirma naman ito ni McCoy na hindi si Mary Joy ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Elisse.


“Wala po (ng) involved na ibang tao, ang pinakarason kaya kami naghiwalay. Sana po, maniwala po kayo.”


Habang isinusulat namin ito ay nagpadala kami ng mensahe sa kampo ni Elisse kung puwede siyang mainterbyu para sa panig naman niya at kung puwede rin sana ang kanyang mommy para sa tsikang hindi ito boto sa ama ng kanyang apo.


Sinabihan kaming babalikan kami ng kampo ni Elisse, pero hindi naman nangyari kaya bukas ang BULGAR sa panig nina Elisse at ng Mommy Christine niya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page