Dahil sa online game… 13-ANYOS NA CHILD ACTOR, SINAKSAK NG KALARO, NASA ICU

ni Beth Gelena @Bulgary | October 20, 2026

Photo: Angelo Teves - Tiktok Matthew _stfumatt
Nasa ICU ang 13-anyos na child actor na si Angelo Teves matapos diumanong saksakin ng nakaalitang kapwa menor-de-edad sa Bgy. Payatas, Quezon City noong Oktubre 12.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nag-ugat ang insidente sa alitan kaugnay ng isang online game account na umano’y naibenta ngunit hindi nabayaran.
Nanawagan ang pamilya ng child actor sa publiko na bigyan sila ng privacy at iwasan ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa insidente nang walang pahintulot.
Sa impormasyong ibinahagi ni Police Lieutenant Colonel (PLTCOL) Rowena Amata, station commander ng Payatas Police Station, naganap ang insidente habang nasa labas ng kanilang bahay ang biktima kasama ang isa pang menor-de-edad.
Pahayag nito, “Ang ginagawa ng biktima, kasalukuyan po silang naglalaro, may kasama rin po s’yang isa pang menor-de-edad na kaibigan n’ya. Naglalaro sila ru’n malapit sa bahay nila nang bigla na itong (suspek) lumapit at inundayan s’ya (Angelo) ng saksak.”
Sa isinagawang follow-up operation, agad ding nahuli ang 15-anyos na suspek sa lugar.
Patuloy na iniimbestigahan ang mga detalye ng pangyayari upang matukoy ang buong pinagmulan ng alitan at iba pang mahahalagang impormasyong may kaugnayan sa kaso.
Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang isang kamag-anak ng biktima kaugnay ng mga impormasyong lumalabas sa social media matapos ang insidente.
Nilinaw nito na ang isang taong nagpakilalang kuya umano ng bata sa isang online post ay hindi bahagi ng kanilang pamilya.
Pahayag nila, “Nais ko po sanang humingi ng tulong, na ‘yung nagpapakalat po kasi ay ‘di po namin kaanu-ano. Nakakagulo lang din po s’ya sa ‘min… Wala po s’yang pahintulot sa ‘min na nagpapakalat s’ya ng ganyang impormasyon.”
Si Angelo ay lumabas sa mga programa ng Kapuso Network tulad ng Encantadia Chronicles: Sang’gre bilang batang Adamus. Gumanap din siya bilang batang Manuel L. Quezon sa seryeng pinagbidahan ni Jericho Rosales at bilang anak ni RK Bagatsing sa Call My Manager.
Hangad namin ang mabilis na paggaling ni Angelo at ang kalakasan ng loob ng kanyang pamilya sa panahong ito.
Aktres, naha-harass daw…
CRISTY FERMIN AT ROMEL CHIKA, PINATATAHIMIK NG ABOGADO NI CLAUDINE
HINDI pinalampas ni Claudine Barretto ang mga pahayag na aniya’y nakasisira sa kanyang reputasyon.
Gumawa ng legal na hakbang ang Optimum Star laban kina Cristy Fermin at Romel ‘Chika’ Villamor sa pamamagitan ng pagpapadala ng cease-and-desist order.
Sa Instagram (IG), ibinahagi ng aktres ang mga dokumentong may petsang October 18 na naglalaman ng pormal na demand sa dalawang showbiz commentators. Kalakip nito ang mariing babala ng aktres na nagsasabing “Lawyer up.”
Ito ang nilalaman ng sulat:
“We write on behalf of our client, CLAUDINE MARGARET CASTELO BARRETTO, and in relation to the above-captioned subject matter. A recent video in your YouTube profile was uploaded regarding our client with remarks that are untruthful, scandalous, and damaging to our client’s reputation.
“In this regard, we strongly emphasize that under existing laws and regulations, your acts enumerated above expose you to possible criminal and civil liabilities for damages, among other violations.
“Please be aware that our client is willing and ready to institute proceedings to protect her and her rights and will not hesitate to pursue all legal remedies which are available to her, should it become necessary.”
Dahil sa umano’y pinsalang idinulot sa aktres, hiniling ng kanyang mga abogado na itigil ang mga naturang pahayag.
Sey ng kampo ng aktres, “Accordingly, on our client’s behalf, we hereby make a formal and final notice of demand that you CEASE AND DESIST from further harassing our client, and making untruthful, scandalous, and damaging remarks regarding her.”
Ang liham ay nilagdaan ni Atty. Lance Abraham M. Mateo, legal counsel ng aktres.
Binigyan din umano ng mahigpit na deadline sina Fermin at Villamor upang agad na sundin ang mga hinihinging hakbang na nakasaad sa abiso.
Ang hakbang na ito ni Claudine ay kasunod ng kanyang paglalabas ng pahayag sa Facebook (FB) upang pabulaanan ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang mental health diagnosis at kalagayang pinansiyal.
Wala pang pahayag ang dalawang showbiz commentators kaugnay ng legal notice na ipinadala sa kanila.
Ayaw daw nina Kiko at Sharon ng ganyan…
IG POST NI KC TUNGKOL SA EL NIÑO, INULAN NG KOMENTO
IBINIDA ni KC Concepcion ang pagiging handa ng ibang bansa sa paparating na Super El Niño sa isang repost reel sa kanyang Instagram (IG) Story.
Sa halip na simpleng paalala tungkol sa pagtitipid at pag-iimbak ng tubig, naging mitsa ang naturang post ng diskusyon tungkol sa kahandaan ng bansa sa posibleng krisis sa tubig.
Sa comments section, kapansin-pansin ang pagkadismaya ng ilang mga netizens na naniniwalang hindi sapat ang pag-iipon ng tubig kung wala namang pangmatagalang solusyon.
May ilan ding nagbanggit ng posibilidad ng desalination, o proseso ng pag-aalis ng ‘dissolved salts and minerals’ sa tubig-dagat upang maging kapaki-pakinabang na supply ng tubig.
Sey ng mga netizens:
“And worst comes to worst, if the boat is sinking na sa Pilipinas, ‘yang mga paldong kurakot na ‘yan at mga mayayaman, eh, tatakas na lang ng ibang bansa kung saan makakapamuhay sila nang maayos at marangya.”
“KAWAWA ANG ‘PINAS! SANA, MAKARMA NA MGA KORUP KASAMA ANG MGA WALANG ALAM NA VOTERS!”
“That’s their plan from the start. Kaya nga puro properties abroad ang meron sila.”
“Worst comes to worst, punta na lang kaming SEA (Southeast Asian) countries like Thailand, Indonesia at Malaysia. Mura pa ang cost of living. Kaya cash is king, eh, kani-kanyang takas na ‘pag the boat is sinking.”
“Yup, 30 years here in Thailand with the fam, mas magaan pa rin compared sa PH.”
“Magagalit sina Sharon (Cuneta) at Kiko (Pangilinan) r’yan sa post ni KC, kasi kakampi na sila ngayon ni BBM (Bongbong Marcos), eh.”





Comments