top of page

Dahil sa kakulangan ng ebidensya… Itinurong salarin, pinawalang-sala; biktima, patuloy na dumadaing!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 16
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 16, 2025



ISSUE #373



Noong gabi ng Nobyembre 28, 2020, sa tahimik na Purok Mahayag, Brgy. Upo, Maitum, Sarangani, nabasag ang katahimikan ng mga residente nang matagpuang duguan at malamig na bangkay si Dominic matapos siyang barilin. 


Ayon sa mga ulat, binaril umano ang biktima ng hindi nakilalang salarin. Ngunit sa pag-usad ng imbestigasyon, lumitaw ang pangalan ng dalawang taong malapit sa kanya — si alyas “Joker” at si ka-Vina, isang babaeng matagal nang nakasama ni Dominic sa iisang bubong.


Kaugnay sa nabanggit, ang tanong ng bayan — sa pagitan ng pag-ibig at paninibugho, sino nga ba ang tapat at sino ang traydor?


Sa kasong People of the Philippines v. Moyong and Moda (Crim. Case No. 002235-21), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Hon. Judge Catherine A. Velasco-Supeda noong 29 Hunyo 2023, sinuri ng hukuman kung sapat ang ebidensya ng tagausig upang patunayan ang pagkakasala nina Joker at ka-Vina sa kasong murder.


Ayon sa Impormasyon na isinampa noong Pebrero 2021, bandang alas-10:00 ng gabi ng Nobyembre 28, 2020, sa Purok Mahayag, Brgy. Upo, Maitum, Sarangani, diumano ay magkasabwat sina Joker at ka-Vina sa pagpatay kay Dominic sa pamamagitan ng pamamaril, na may intensyong pumatay at sa paraang may pagtataksil (treachery) at malisyosong pagsasabwatan (conspiracy).


Sa isinampang kasong murder, kapwa itinuro ng tagausig sina Joker at ka-Vina bilang mga responsable sa pagkamatay ni Dominic. 


Gayunman, dahil nananatiling at large si Joker, tanging si ka-Vina ang humarap sa paglilitis upang harapin ang mabigat na paratang ng pakikipagsabwatan sa pagpatay.

Itinampok din sa record ng kaso na si ka-Vina ay kinakasama o live-in partner ni Dominic sa loob ng ilang taon, ngunit kalaunan ay nagkaroon umano ng ugnayang labas sa relasyon kay Joker. 


Hinggil dito, ito diumano ang naging mitsa ng alitan na humantong sa trahedya.

Sa paglilitis, inihain ng tagausig ang tanging testigo na si Richard, kapitbahay at diumano’y nakakita ng insidente. 


Ayon sa kanya, nakita niyang magkasama sina ka-Vina at Joker bago at matapos ang pamamaril. Ngunit malinaw sa kanyang salaysay na si Joker mismo ang bumaril sa biktima, habang si ka-Vina ay nasa tabi lamang.


Walang napatunayang kilos, pahayag, o anumang ugnayan na magpapakita na merong sabwatan o kasunduang pumatay sa pagitan nina Joker at ka-Vina.


Sa pagsusuri ng depensa na lumitaw noong cross-examination, lumabas din na may mga hindi pagkakatugma sa mga detalye ng nasabing testimonya — mga pagbabago sa pagkakalarawan ng pangyayari at sa posisyon ng mga taong sangkot, na nagdulot ng pagdududa sa katotohanan ng salaysay.


Dahil dito, matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si ka-Vina, sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Atty. Karl Benjamin R. Fajardo, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure.


Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ng tagausig ay hindi kapani-paniwala, at walang sapat na ebidensya upang patunayan ang pagkakasala o ang ugnayan ni ka-Vina sa krimen.


Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si ka-Vina. Pinag-aralan ng hukuman ang kabuuang ebidensya ng tagausig at napag-alamang nabigo itong patunayan ang conspiracy na siyang buod ng akusasyon. 

Ang simpleng presensya ni ka-Vina sa lugar ng krimen ay hindi sapat upang ipalagay na siya ay kasabwat ni Joker o may iisang layuning pumatay.


Wala ring matibay na ebidensyang nagpapakita ng qualifying circumstances gaya ng treachery o evident premeditation upang maitaguyod ang murder. Dahil dito, hindi rin napatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa ang mismong elemento ng nasabing krimen.


Tulad ng pinagtibay sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011], sa panulat ni Mahistrado Antonio M. Abad), “The successful prosecution of a criminal case rests heavily on the clear identification of the offender.”


Sa kasong ito, ang pagkakakilanlan ay nababalot ng alinlangan. Binigyang-diin ng hukuman ang prinsipyo sa Article III, Section 14(2) ng 1987 Konstitusyon: 

“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”


At dahil nabigo ang estado na patunayan ang kasalanan nang lampas sa makatuwirang pagdududa, pinili ng hukuman ang landas ng katarungan — ang pagpapawalang-sala.

Ang kasong ito ay isa na namang paalala na ang hustisya ay hindi nasusukat sa sigaw ng paghihiganti o sa tsismis ng paligid, kundi sa bigat ng katibayan sa mata ng batas. Sa gitna ng pag-ibig at paninibugho, nanaig ang katotohanang walang dapat mabilanggo kung ang batayan ay duda. 


Habang nakalaya si ka-Vina mula sa bigat ng paratang, nananatili namang nakabukas ang kaso “without prejudice” sa pag-aresto at paglilitis kay Joker, na hanggang ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.


At sa katahimikan ng gabi sa Purok Mahayag, tila maririnig pa rin ang daing mula sa hukay — isang paalala na sa bawat paglaya ng walang sala, may nanatiling sugat na naghihintay ng hustisyang ganap. Ang hustisyang ganap ang katarungang hanap.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page