Dagdag-pondo sa feeding program, maraming mag-aaral ang makikinabang
- BULGAR

- Dec 9
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 9, 2025

Noong sinimulan nating talakayin ang panukalang 2026 national budget, tiniyak ng inyong lingkod na bibigyan natin ng prayoridad ang edukasyon. Bukod dito, binigyan din natin ng prayoridad ang kalusugan at mga social services na magtataguyod sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Kaya naman nagdagdag ang inyong Senate Committee on Finance ng pondo para palawakin pa ang School Based-Feeding Program ng Department of Education (DepEd) at ang Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Napakahalagang matutukan ang kalusugan ng ating mga kabataan, lalo na’t pinatatatag nito ang kanilang pundasyon. Batay sa mga pag-aaral, isa sa apat na mga batang wala pang limang taong gulang ang itinuturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Nakakaapekto ito sa pagbuo ng kanilang isipan, sa kanilang kakayahang unawain ang kanilang mga aralin, at sa kanilang abilidad upang magkaroon ng magandang hanapbuhay.
Sa ilalim ng Senate committee report sa panukalang 2026 national budget, dinagdagan pa ng P15.06 bilyon ang P13.61 bilyon na nakalaan na sa ilalim ng General Appropriations (GAB) Bill (House Bill No. 4058) para sa School-Based Feeding Program.
Gamit ang higit P28 bilyong pondo, maipapatupad ng DepEd ang feeding program sa loob ng 200 araw o katumbas ng isang buong school year. Inaasahan ding 4.8 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa naturang programa. Sasaklawin ng programa ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1. Magpapatuloy ang suporta ng programa sa mga ‘wasted’ at ‘severely wasted learners’ mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Sa ilalim ng proposed 2026 national budget, naglaan tayo ng P369 milyon para suportahan ang 140,000 na mga batang mag-aaral na nagdadalang-tao na humaharap sa kakulangan sa nutrisyon. Susuportahan din ng naturang pondong ito ang mga mag-aaral na lagpas ng Grade 6 na kabilang sa mga nangangailangang sektor.
Makakatanggap naman ang Supplementary Feeding Program ng dagdag na P3.3 bilyon maliban sa P3.32 bilyon na inilaan sa ilalim ng GAB. Mapapalawak ng naturang pondo ang bilang ng feeding days ng programa mula 120 hanggang 180. Mahigit 1.8 milyong mga batang wala pang limang taong gulang na naka-enroll sa mga Child Development Centers (CDCs) ang makikinabang sa naturang programa.
Ngayong inaasahang aaprubahan na ng Senado ang bersyon nito ng 2026 national budget, pati na rin ang talakayan kasama ng ating mga kasamahan sa Kamara sa bicameral conference, mahalagang patuloy nating matutukan ang magiging mga usapin upang tiyakin na ang bawat pisong binabayarang buwis ng taumbayan ay napupunta sa tamang mga programa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments