Dagdag-pondo para sa cancer and mental health programs, oks!
- BULGAR

- Dec 12, 2020
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 12, 2020
Ilang linggo man ang lumipas mula nang tumama ang sunud-sunod na mga bagyo sa Pilipinas, patuloy pa rin ang serbisyo sa mga nangangailangan ng tulong.
Noong Martes, nagtungo tayo sa Baliuag, Sta. Maria at Guiguinto sa Bulacan. Nakilala natin sina Lola Consuelo Mariano, 65, na may sari-sari store, at Mang Medaville Paule, 44, drayber na may sakit — dalawang Bulakenyo na labis na naapektuhan nang nakaraang kalamidad at kasalukuyang pandemya.
Malapit sa puso natin ang mga Bulakenyo. Kamakalawa ay muling tayong bumalik sa Bulacan para mamahagi ng tulong sa mga taga-Malolos. Patuloy na namigay ng tulong ang ating team sa San Rafael at San Ildefonso kung saan halos dalawang libong katao ang nabigyan ng ayuda.
Nitong linggo rin, tumulak patungong Dingalan, Aurora ang team upang bisitahin ang mga tinamaan ng bagyo. Napuntahan at nabigyan din ng tulong ang mga taga-Lopez at Calauag sa Quezon Province. Malayo man ang kanilang lugar, sinigurado nating ramdam nila ang malasakit at serbisyo ng gobyernong ito.
Sa mga kapatid nating Bikolano na madalas tinatamaan ng sakuna, hindi kayo pababayaan. Nagtungo rin ang mga kasamahan natin sa Iriga City, Camarines Sur kung saan mahigit 830 Bikolano ang natulungan na nanggaling sa tatlumpung iba’t ibang barangay ng siyudad. Bukod sa Iriga City, binisita rin nila ang San Jose, Camarines Sur upang magbigay ng parehong ayuda.
Batid nating isa sa mga pinaka-apektado ng COVID-19 pandemic ay ang ating mga public market vendors na naka-expose sa lugar na posibleng magkahawahan ng sakit dahil sa uri ng kanilang hanapbuhay. Marami ring iba namang tuluyang nawalan na ng trabaho. Kung kaya’t patuloy ang suportang ipinaaabot natin sa kanila.
Sa Visayas, nagtungo ang ating staff sa Iloilo City upang mag-abot ng ayuda sa 2,500 market vendors noong Lunes at Martes. Miyerkules naman, mahigit isang libo na displaced workers ang ating natulungan sa Cortes at Dauis, Bohol. At Huwebes, nag-abot tayo ng tulong sa mga PWDs, informal at cultural workers sa Panglao, Bohol.
Sa ating pag-iikot, namahagi tayo ng food packs, masks, face shields, vitamins at gamot. Ang iilang benepisaryo naman ay nabigyan din ng bisikleta para magamit habang limitado pa ang pampublikong sasakyan, at computer tablets para magamit naman ng mga kabataan sa pag-aaral.
Bukod pa ito sa hiwalay na ayuda mula sa mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng DSWD, DTI, DA, at iba pang patuloy ang serbisyo sa mga nangangailangan. Sa mga pagtitipong ito, sinigurado nating nasusunod ang mga patakaran ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Maniwala tayong malalampasan natin ang mga pagsubok kung patuloy na magbabayanihan at magmamalasakit sa kapwa.
***
Naratipika na ang Bicameral Committee report para sa 2021 national budget noong Miyerkules. Kasama ang mga ipinaglaban nating dagdag-pondo para sa kalusugan, tulad ng para sa Health Facilities Enhancement Program na naglalayong mapaganda ang serbisyo ng ating mga government hospitals at health facilities. Ipinaglaban natin ang dagdag-pondo para sa cancer and mental health programs, at ang pagpapalakas ng Research Institute for Tropical Medicine.
Ang budget sa susunod na taon ay nakatutok sa panlaban sa COVID-19, muling pampasigla ng ekonomiya, at pagpapatuloy ng mga programa at proyekto ng Administrasyong Duterte para maisakatuparan ang layunin ng Pangulo na makapagbigay ng mas komportableng buhay para sa bawat Pilipino.
Siguraduhin nating magagamit ang pera ng bayan sa tama, makararating ang tulong sa mga nangangailangan at pinakaapektadong kababayan.
Tungkol naman sa usaping COVID-19 vaccines, mayroong appropriated amount na P2.5 bilyong pambili nito plus another P70 billion as unprogrammed appropriation na puwedeng magamit sa susunod na taon.
Lahat ng paraan upang makakuha ng sapat na bakuna na kailangan ng mga Pilipino ay pag-aaralan at tatahakin natin. Basta masunod lang ang tamang proseso, walang masayang na pondo, at masigurong safe at effective ang bakuna na ituturok sa mga Pilipino.
Huwag tayong mag-alala, kapag mayroon nang safe at effective na vaccine, uunahin ang mahihirap at vulnerable, pati ang mga frontliners, tulad ng medical workers, uniformed personnel, at mga guro, para makabalik na tayo sa normal na pamumuhay at makabangon muli bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments