top of page

Dagdag na P55B, kailangan upang umabot sa 4% NG GDP ang pondo ng edukasyon sa 2026

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2d
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 26, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Upang matiyak na aabot sa 4% ng Gross Domestic Product (GDP) ang pondong ilalaan para sa sektor ng edukasyon, titiyakin ng inyong lingkod na madagdagan ng P55 bilyon ang kasalukuyang pondo na nakalaan sa National Expenditure Program (NEP).


Kailangan nating maipaliwanag kung bakit natin isinusulong na umabot sa 4% ng GDP ang pondo para sa edukasyon. Ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa ilalim ng Education 2030 Incheon Declaration. Itinuturing itong international benchmark upang matiyak na may sapat na puhunan ang bawat bansa para sa maayos na edukasyon, lalo na’t layon ng Sustainable Development Goal 4 na magbigay ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon sa lahat.


Inanunsyo kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM) na sa kauna-unahang pagkakataon, umabot sa 4% ng GDP ang pondong inilaan sa sektor ng edukasyon para sa taong 2026 o P1.224 trilyon sa ilalim ng NEP. Kasama sa halagang ito ang P46.045 bilyong kontribusyon ng mga empleyado ng sektor para sa pondo ng pensyon.


Ngunit kung pagbabatayan natin ang mga pamantayan ng UNESCO, hindi dapat itinuturing na bahagi ng pondo ng sektor ng edukasyon ang kontribusyon ng mga empleyado para sa pensyon, lalo na’t hindi naman ito maituturing na paggasta sa bahagi ng gobyerno. Tila isinama ng DBM ang kontribusyon ng mga empleyado sa pagkuwenta ng pondo kaya umabot sa 4% ng GDP ang figures na inilaan para sa edukasyon.


Sa madaling salita, lumalabas na P1.178 trilyon lamang ang pondong nakalaan sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 3.8% ng inaasahang GDP para sa 2026.

Kung ang target natin ay umabot sa 4% ng GDP o higit pa ang pondo para sa edukasyon, kinakailangan nating magdagdag ng P55 bilyon sa P1.178 trilyong inilaan ng NEP sa sektor.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, muling naninindigan ang inyong lingkod na tututukan ng 2026 national budget ang edukasyon. Ilan sa mga nais nating bigyan ng prayoridad ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act upang tiyaking magpapatuloy ang mga libreng tutorial para sa mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong.


Pagsisikapan din nating matugunan ang mga kakulangan sa classroom at madagdagan ang mga teacher aide na magiging katuwang ng ating mga guro. Mahalaga ang pagdagdag ng mga teacher aide upang matutukan ng mga guro ang aktuwal na pagtuturo.


Muli, hinihikayat ko ang ating mga kababayan na aktibong makilahok sa pagsusuri ng national budget. Sama-sama nating tiyakin na ang buwis na ating ibinabayad ay napupunta sa tama, lalo na para sa magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page