Dagdag-magsisimba, oks na — Palasyo

ni Lolet Abania | October 23, 2020

Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na dagdagan ang bilang ng mga papasok at magsisimbang kababayan nang 30 porsiyento mula sa dating 10 porsiyentong kapasidad ng bawat simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ito ang naging desisyon ng IATF ilang araw matapos na ianunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority general manager na si Jojo Garcia na ang itinakdang curfew hours sa Metro Manila ay pinaigsi nang tatlong oras na lamang, mula 12 nang hatinggabi hanggang alas-3 nang umaga, sa December upang magbigay-daan sa mga deboto na makapag-Simbang Gabi.
“Wala na kasi tayong Undas, sarado ang ating mga sementeryo, tapos marami na rin tayong nakansela, so siguro naman, kahit papaano, magkaroon naman tayo ng pagpapatuloy ng ating mga Christmas traditions bagama’t 30% lang po ang ating pupuwedeng Simbang Gabi,” sabi ni Roque sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.
Gayunman, sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ), mananatili ang polisiya ng IATF na 50 porsiyentong seating o venue capacity sa bawat simbahan.




