top of page
Search
BULGAR

Dagdag-kita sa mga service provider sa binagong Service Charge Law

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 5, 2024


Mas maraming na ang makikinabang ngayon na mga empleyado dahil sa binagong Service Charge Law.


Nitong Sabado, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga detalye hinggil sa mga rebisyon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Service Charge Law.


Ayon sa DOLE, ang binagong IRR, ang Department Order (DO) No. 242, series of 2024, ay nagpalawak ng coverage ng service charge distribution sa pamamagitan ng pag-aalis ng direct employment clause mula sa naunang IRR.


Batay sa kagawaran, ito ay nangangahulugan na “pantay na pagbabayad na ng service charges sa lahat ng covered employees ng mga service charge-collecting

establishments”.


Sa isang panayam kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, sinabi nitong dapat maisama pati ang mga manggagawa ng service providers hangga’t bahagi ang mga ito ng pagbibigay ng serbisyo. Dahil dito aniya, magkakaroon na ng mas malawak na bilang ng mga manggagawa na dapat pag-ukulan at makikinabang sa nasabing service charge. 


Tinukoy din sa bagong IRR, “ang hindi pagbabawas o non-diminution ng mga benepisyo, na nangangahulugang ang mga bagong rules sa pamamahagi ng service charge ay hindi dapat bawasan ang umiiral na mga benepisyo ng mga sakop na empleyado”.


Base pa sa IRR, “ang mga covered employees ay tumutukoy sa lahat ng empleyado, maliban sa mga managerial employees gaya ng nakapaloob dito, anuman ang kanilang posisyon, designation, o employment status, at anuman ang paraan kung paano binabayaran ang kanilang mga sahod”. 


Pinaalalahanan naman ni Laguesma ang mga service provider na maaaring hanggang 10% lang ang maximum service charge. Dapat din aniyang 85% ng kabuuan nito ay para sa rank-and-file employees, habang ang natitirang 15% ay ilalaan sa management. 


Sinabi naman ng kalihim na kahit ganoon ang hatian, mayroong kumpanya na 100% na ang ibinibigay sa kanilang mga manggagawa.


Matatandaang, ang Service Charge Law ay naging batas matapos na lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2019, na nag-uutos na 100% ng mga service charge na nakolekta sa mga restaurant at hotel ay dapat na ipamahagi sa kanilang mga empleyado.


Mabuti at pinalawak na ang mga nasasakop ng service charge distribution para sa mga empleyado, kung saan kasama na ang mga service providers.


Siyempre nga naman nagbibigay din sila ng serbisyo sa lahat, kaya marapat lamang na pagkalooban din sila nito.


Malaking tulong ito sa mga naturang empleyado kung kabilang na sila sa sakop ng pamamahagi ng service charge dahil madaragdagan ang kanilang kita at maiuuwi para sa kanilang pamilya.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay magkaroon pa ng mas maraming programa na mapapakinabangan ng mga mamamayan lalo na para sa mga manggagawa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page