Dagdag-kapasidad o dagdag-PUV, pag-aralan
- BULGAR
- Oct 20, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 20, 2021
Dahil mas marami nang manggagawa ang balik-trabaho at marami na ring residente ang nakakalabas mula nang ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila, pahirapan na ang pagbiyahe.
Ang sitwasyon tuloy, mahabang pila sa mga terminal at punuang mga pampublikong sasakyan.
Kaugnay nito, irerekomenda ng Department of Transportation (DOTr) sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang pagtataas ng passenger capacity sa mga public utility vehicles (PUVs).
Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na pinag-aaralan na kung gaano kalaki ang irerekomenda nilang dagdag sa PUV passenger capacity bago tuluyang magsagawa ng rekomendasyon.
Sa kabilang banda, hinihiling ng maraming pasahero na madagdagan ang mga sasakyan na magseserbisyo sa EDSA Busway para makarating sila agad sa pinagtatrabahuan.
Noong Lunes kasi, napakahabang pila ang sumalubong sa mga komyuter, na naging dahilan upang ma-late sa trabaho ang ilan.
Gayunman, sang-ayon ang ilan sa kanila na dapat nang dagdagan ang bilang ng mga makakasakay sa mga bus at ibang PUV upang makabawas sa perhuwisyo nila sa pagko-commute.
Una nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magiging normal at operational na ang pampublikong transportasyon sa ilalim ng lahat ng alert levels ng bagong sistema. Ngunit sa kasalukuyan, limitado pa rin ang passenger capacity sa PUVs.
Bagama’t nauunawaan nating dapat mapanatili ang pag-iingat para sa kaligtasan at kalusugan ng lahat, panahon na para i-level up ang sistema sa transportasyon.
Kung hindi kakayaning magdagdag ng kapsidad, mas mabuting dagdagan ang mga bumabiyaheng PUVs. Sa ganitong paraan, mas mapapanatili ang social distancing, gayundin, mas maraming drayber ang makakabiyahe. Kumbaga, win-win sa mga pasahero at tsuper.
Grabeng hirap na ang dinanas ng ating mga kababayan dahil sa pandemya, kaya sana lang, makabawi naman tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments