Dagdag-allowance sa mga guro ng private schools, dapat lang
- BULGAR
- 6 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 2, 2025

Ang mga guro ay isa sa mga sandigan ng mga kabataan, kung saan sila ang humuhubog at tumutulong sa bawat estudyante nang sa gayon ay makamit nila ang kanilang pinapangarap sa buhay. Kaya naman nararapat lang na bigyang-pansin ang mga titser sa mga pribadong paaralan.
Sa ilalim ng Teachers’ Salary Subsidy (TSS) ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program, itinaas ng Department of Education (DepEd) ang annual allowance para sa mga kuwalipikadong guro sa mga pribadong paaralan mula P18,000 hanggang P24,000 simula School Year 2025-2026.
Magandang balita ito dahil sa panahong lumalaki na rin ang agwat ng kita at benepisyo sa pagitan ng mga guro sa pampubliko at pribadong sektor. Pero gaya ng nakasanayan, tila barya pa rin sa dami ng sakripisyo ng mga guro, dahil sa kakulangan ng job security, limitado ang access sa training, at kadalasang overworked.
Ang dagdag na allowance ay inaprubahan ng State Assistance Council. Ayon sa ad referendum, ito ay bilang bahagi ng pagtugon sa mga layunin ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (RA 8545). Mainam pa rin ito dahil nasusuklian kahit paano ang pagod at sakripisyo ng mga titser sa private schools.
Sa ilalim ng GASTPE, bukod sa tuition subsidy para sa mga estudyante, may suporta rin para sa mga gurong humahawak ng Educational Support Center (ESC) classes nang hindi bababa sa tatlong oras bawat linggo.
Ipinahayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang dagdag-ayuda sa isang signature ceremony nitong Huwebes. Aniya, kinikilala ng administrasyon ang kontribusyon ng pribadong sektor sa edukasyon na kung tutuusin ay matagal nang katuwang ng gobyerno sa pagpapatupad ng quality basic education.
Kasabay nito, muling iginiit ng DepEd ang pangakong isulong ang reporma sa sistema ng edukasyon — pagpapagaan ng admin work ng mga guro, pagbibigay ng digital tools sa mga paaralan, at pagsuporta sa teacher welfare, mga amyendang binigyang-diin din sa SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Magandang plano ito, pero kailangan ng mas konkretong pagkilos. Habang patuloy ang suporta sa mga public school teacher, huwag nating kalimutan na buhay din ang nakataya sa bawat pribadong guro na madalas ay mas tahimik pero puno ng dedikasyon sa kanilang pagtuturo.
Sa bansang tila may malalim na ugat ng educational inequality, ang P6,000 dagdag-allowance sa mga guro ay hindi nga solusyon sa lahat, subalit senyales na hindi nakakalimot ang pamahalaan. At kung seryoso tayong gawing inclusive ang edukasyon para sa lahat, kailangang pantay din ang pagturing sa mga gurong piniling magturo sa pribadong paaralan.
Gayundin, hindi lang sila dapat katuwang ng sistema, dahil sila mismo ang pundasyon ng edukasyon para sa libu-libong estudyante.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments