Daan-daang buntis at mga bata na positibo sa HIV, tumataas pa
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 18, 2022
Tila saglit na naisantabi ang kasalukuyang sitwasyon hinggil sa patuloy na pagtaas ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) dahil sa halos lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ay naging abala sa pagtugon sa pandemya at idagdag pa ang nalalapit na halalan.
Base kasi sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH), positibo sa HIV ang may 610 na buntis at 236 mga bata na may edad 10 pababa na lahat ay nahawa sa pamamagitan ng mother-to-child transmission.
Ang rate ng transmission ng HIV mula sa isang nanay na positibo sa naturang virus patungo sa kanilang anak ay nagmumula sa 15 hanggang 45 porsyento na karaniwang nangyayari sa panahon ng pagbubuntis, labour, mismong panganganak o pagpapasuso sa bata.
Karaniwang nangyayari ang pagkakahawa ng ina sa anak kung hindi sumailalim sa antiretroviral therapy (ART) ang isang ina na positibo sa HIV at ang virtual elimination ng mother to child transmission (MTCT) na mas kilala sa tawag na vertical transmission ay mariing sinusuportahan ng mga medical expert.
Sa buong mundo, tinatayang nasa 1.3 milyong babaeng nasa hustong gulang at mga kabataang babae na positibo sa HIV ang nabubuntis kada taon na dapat ay natutugunan ng pangangailangang medikal tulad ng ART upang makaiwas sa MTCT.
Sa Pilipinas ang kumpirmadong 610 buntis na positibo sa HIV ay nasa 52 porsyento sa mga ito o may kabuuang 310 kaso ang nasa edad 15 hanggang 24 at 41 percent o 248 kaso ang nasa edad 25 hanggang 34.
Ayon pa sa World Health Organization (WHO) patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng HIV matapos na malimitahan ang panggagamot sa mga nahawa dahil sa pakikipagbuno ng marami nating kababayan laban sa pandemya na binigyang prayoridad.
Dahil dito ay malaki umano ang posibilidad na pumalo sa 100,000 o higit pa ang kaso ng mga buntis at mga bata na mahawa sa HIV sa kalagitnaan ng taong kasalukuyan kung hindi mabibigyan ng maagang pagtugon.
Medyo nakakaalarma na kasi ang sitwasyon kung mababasa lang ninyo ang mga naglalabasang datos dahil umaabot na sa kabuuang 12,341 ang bagong nahawa sa HIV sa bansa noong taong 2021 na tumaas ng 54 porsyento mula sa 8,036 kaso ng HIV na naitala noong taong 2020.
Marahil panahon na para pagtuunan ng pansin kung dapat na nga bang isama ang sex education sa school curriculum na hanggang sa kasalukuyan ay pinagdidebatehan pa rin kung dapat ba o hindi itong ituro nang mas maaga sa mga bata.
Karaniwang pahapyaw na itinuro sa mga bata ang human anatomy, sexual activity at human reproduction ngunit hindi pormal na itinuturo sa mga bata ang tungkol sa Sexually Transmitted Disease (STD), kung paano ito kumakalat at kung paano poprotektahan ang sarili sa walang planong pagbubuntis at mismong HIV.
Maraming magulang ang itinuturo sa kanilang mga anak ang maraming bagay ngunit tila aligaga silang ituro ang mga sensitibong bagay pagdating sa usaping seksuwal na dapat sa mas murang edad ay matutunan ng mga bata upang mapangalagan nila ang kanilang sarili sa pang-aabuso, wala sa oras na pagbubuntis at pagkahawa sa sakit.
Hindi naman natin mapipigil sa paglaki ang ating mga anak na unang tinutuklas ang mga bagay-bagay sa oras na sumapit na ang panahon ng curiosity na kung hindi natin mabibigyan ng tamang gabay ay posibleng humantong sa pagkapahamak.
Hindi natin dapat ipinauubaya na matutunan ng mga bata ang mga bagay-bagay tungkol sa sekswalidad sa kanilang mga kaibigan lamang o kaya ay nagbubulag-bulagan tayo na alam naman nating isang pindot lang sa hawak nilang cellphone ay libre nilang mapapanood ang kahit anong kalaswaan.
Magiging mas matibay ang isang pangaral kung nagmula ito sa mga magulang, tamang itaas natin ang kanilang moralidad at gawing malapit sa Panginoon ngunit dapat ay malinaw ang detalye ng mga pangaral at hindi puro pahapyaw upang maging matatag sila sa pagsabi ng ‘hindi’.
Maraming mga bata ang hindi alam ang ibig sabihin ng malaswa at hindi malaswang hipo na kung natutunan lamang sana sa mas maagang edad ay hindi na humantong sa maagang pagbubuntis na kapag buntis na sa murang edad ay doon lamang tuturuan para hindi na maulit pa.
May mga taong tutol sa sex education para sa mga bata at mayroon din namang mga tao na mas nais nila ito para hindi mapahamak ang mga bata ngunit kahit hindi magkasundo ang kanilang mga panig ay pareho naman nating ginagalang ang kanilang mga opinyon dahil pareho naman may katuwiran.
Pero dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV at pabata na nang pabata ang nahahawa ay tila mag-isip-isip na ang mga magulang kung dapat pa bang iasa sa mga paaralan na ituro ang sex education o tayo na mismo ang magkukusa sa ating mga anak para hindi sila mapahamak.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments