Curry, Giannis at Harden bida ng Christmas NBA Game
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 27, 2021

Nag-alay ng kasiyahan sina Stephen Curry at ang bisitang Golden State Warriors sa kanilang mga tagahanga matapos ang 117-106 panalo sa Phoenix Suns mula sa Footprint Center sa NBA noong Araw ng Pasko. Naagaw ng Warriors ang liderato ang buong liga sa kartadang 27-6, kalahating laro ang lamang sa dating numero unong Suns sa lumubog sa 26-6.
Huling tinikman ng Phoenix ang lamang, 95-94, matapos ang dunk ni Landry Shamet papasok sa huling siyam na minuto. Mula roon ay tumira ng tres si Otto Porter upang simulan ang nakakahilong huling hirit ng Warriors ni Curry.
Nagtapos si Curry na may 33 puntos buhat sa limang three-points at umakyat sa 2,999 tres sa kanyang karera. Ipinasok ni Porter ang 13 ng kanyang 19 puntos sa huling 9 minuto ng 4th quarter.
Binahiran ng Brooklyn Nets ang unang laro ng Los Angeles Lakers sa Crypto.com Arena na bagong pangalan ng Staples Center simula kahapon, 122-115. Winasak ng three-point play ni Nic Claxton ang 115-115 tabla na may 45 segundo sa orasan at sinundan ito ng apat na free throw ni James Harden upang mapigil ang paghabol ng Lakers.
Halimaw si Harden na triple double na 36 puntos upang takpan ang pagliban nina Kevin Durant, LaMarcus Aldridge at Kyrie Irving. Nagtala ng 39 puntos si LeBron James upang lampasan ang namayapang si Kobe Bryant para sa pinakamaraming puntos tuwing Pasko na 422 kumpara kay Bryant na may 395.
Humabol ang Milwaukee Bucks mula sa 19 puntos at hindi pinapuntos ang Boston Celtics sa huling 30 segundo upang makamit ang 117-113 tagumpay. Bumalik galing health protocol si Giannis Antetokounmpo upang magsabog ng 36 puntos at 12 rebounds sa 30 minuto.
Nagtrabaho ang Utah Jazz sa fourth quarter upang iligpit ang kulang ngunit palaban na Dallas Mavericks, 120-116. Sinimulan ang araw sa 101-87 tambak ng New York Knicks sa bisitang Atlanta Hawks.





Comments