Curry at Smart, matikas; Lebron, nagpakabait na
- BULGAR
- Nov 30, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 30, 2021

Walang duda ang husay ni Stephen Curry at ng numero unong Golden State Warriors at tinambakan ang Los Angeles Clippers, 105-90, sa una sa dalawang laro sa NBA kahapon mula sa Staples Center. Kahit naghahari ngayon sa liga, magpapalakas lalo ang Warriors sa nalalapit na pagbalik ni Klay Thompson upang mabuo muli ang tambalang “Splash Brothers” nila ni Curry.
Matalas muli si Curry at pumukol ng pitong tres para sa 33 puntos. Sinundan siya nina Otto Porter Jr. na double-double na 18 puntos at 10 rebound at Jordan Poole na may 17 puntos para sa kanilang ika-pitong sunod na panalo at pangkalahatang kartadang 18-2.
Matapos mapilay ang tuhod sa Game Six ng 2019 NBA Finals laban sa nagkampeong Toronto Raptors, hindi nakalaro ng dalawang buong torneo si Thompson. Maglalaro muna siya sa Santa Cruz Warriors ng NBA G-League bago masigurado na handa na talaga siyang bumalik.
Sa sumunod na laro, umulit ang Los Angeles Lakers sa Detroit Pistons, 110-106.
Matatandaan na nabahiran ang unang pagkikita ng dalawang koponan noong Nobyembre 21 ng madugong away sa pagitan nina LeBron James at Isaiah Stewart.
Nagpakabait na si James at tinapos ang laro na may 33 puntos at sinundan nina Russell Westbrook na may 25 at Anthony Davis na may 24 puntos at 10 rebound. Matapos muntik na hindi makapuntos sa last two minutes, kinailangan ng Lakers ang tig-isang free throw nina James at Talent Horton-Tucker sa huling 7.9 segundo upang masupil ang huling banta ng Pistons, 104-108.
Gumamit ng balanseng atake ang Boston Celtics upang magwagi sa Toronto Raptors, 109-97, sa pangunguna nina Marcus Smart na may 21 puntos at Josh Richardson na may 18 puntos. Kahit gumawa lang siya ng siyam na puntos at 10 rebound, mas naging laman ng balita ang beteranong sentro ng Celtics na si Enes Kanter.





Comments