Curfew sa M. Mla, solusyon ba talaga o dagdag-problema?!
ni Ryan Sison - @Boses | March 18, 2021
Noong Lunes, Marso 15, umarangkada ang unified curfew hours sa Metro Manila na tatagal hanggang Marso 31, kung saan ito ay mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
Ito kasi ang nakikitang hakbang ng mga alkalde sa lungsod upang mapigilan ang mabilis na hawaan ng COVID-19, ngunit sa halip na makiisa ang taumbayan, nagpahayag ng iba’t ibang opinyon ang mga ito.
Habang pabor ang ilan, iba naman ang sagot ng ilang negosyante at ordinaryong manggagawa dahil anila, apektado ang kanilang kita.
Samantala, iba rin ang pahayag ng health workers hinggil sa umiiral na curfew sa Kamaynilaan. Anila, bawiin na lang ang curfew dahil lalo lang umano nitong patataasin ang COVID-19 cases sa bansa.
Paliwanag ng ilang eksperto, dapat ikonsidera ng mga lokal na pamahalaan ang muling pagpapatupad curfew dahil mapipilitan ang mga tao na magtrabaho sa limitadong oras, siksikan sa kalye at workplaces.
Sa halip, maaari umanong magpatupad ng work from home set-up ang mga kumpanya at isaayos ang bentilasyon ng mga lugar na pinagtatrabahuhan dahil nakapag-aambag umano ito sa pagdami ng kaso ng COVID dahil sa hawaan.
Kung tutuusin, may punto ang health experts dahil kung may curfew at hindi naman sapat ang distansiya o bentilasyon sa workplace, malamang na may hawaan pa rin.
Isa pa, napakarami nang nahuli dahil sa curfew, tapos isasakay din sa police mobile kung saan siksikan ang mga kapwa nahuli, at dahil wala ring social distancing, may posibilidad ng hawaan.
Bagama’t hindi pa humihingi ng “time out” ang mga health workers, isip-isip na tayo sa mga susunod nating hakbang kontra COVID-19.
Dahil ‘ika nga, hindi lang curfew ang solusyon sa pandemya, pag-aralang mabuti kung paano tayo tutugon, gayundin, ‘wag nating dedmahin ang suhestiyon ng mga eksperto.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments