top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

CRISTY FERMIN, PINALAGAN ANG POSER NA NANDAMAY SA KANYA SA FAKE NEWS KAY VICE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 31, 2023
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 31, 2023




Pinalagan ni Nanay Cristy Fermin ang isang X user (dating Twitter) na Anima Cristi Fermin dahil idinamay siya sa ipinost nitong FAKE NEWS.


Ayon sa post nitong X account @altanimacristi nitong Oktubre 27 sa ganap 9:12 PM na may 2.8M views as of this writing at 2,500 retweet: “Just In. Lala at MTRCB ipatatawag ang McDonald’s Philippines at si Vice Ganda dahil umano sa pagkain ng chicken McDo gamit ang bibig na tila may hawig sa paraan ng pagkain nito ng icing sa It’s Showtime na nagpapakita na sarap na sarap ang host sa pagkain.”


Gusto naming agad i-text si Nanay Cristy nu’ng mga sandaling mabasa namin ito, pero gabi na at inisip naming nagpapahinga na ito. Hindi rin namin siya ginambala nu’ng Sabado at Linggo dahil araw at oras niya ‘yun para sa mga anak at mga apo at naisip din namin na tiyak na tatalakayin nila ito ni Romel Chika sa programa nilang Cristy Ferminute sa Radyo 5 92.3 TRUE FM pagdating ng Lunes.


Hindi nga kami nagkamali dahil kahapon ay sunud-sunod ang pagtatanggol ni ‘Nay Cristy sa sarili dahil unang-una ay wala siyang social media account at tanging ang Cristy Ferminute at Showbiz Now Na lang ang platform na nakakapaglabas siya ng kanyang saloobin, opinyon at mga maiinit na balitang showbiz.


Nang lumabas ang balita tungkol kay Vice ay kaagad nagpalabas ng press release ang ahensiyang pinamumunuan ni Ms. Lala Sotto na binigyan ng babala ang publiko na hindi totoong ipatatawag nila ang kilalang personalidad na lumabas kamakailan sa isang TV commercial ng isang fast food chain. Fake news, ‘ika nga.


Sa CFM episode kahapon ay binasa ni ‘Nay Cristy ang pahayag ng MTRCB at hindi raw niya sukat-akalain na damay siya rito.


Bungad ng CFM host, “Hindi ko alam na ako’y sangkot sa kuwentong ito. Noon ko pa po sinasabi, mga kababayan, wala po ako kahit na anong social media. ‘Yun pong mga naglipana na FB account, 37 po ‘yan at iba-iba ang pangalan (binanggit isa-isa ang mga pangalan niya), hindi po akin ‘yun, posers lang po ‘yun.”


At saka nito binanggit ang pangalan ng bago niyang posers na may blue check sa Twitter na ngayon ay X na.


“Nakakaloka po at may 2.6 million views na po ito at verified account po ito. Wala po akong kinalaman dito. ‘Yung Cristy po niya, pinalitan lang ng I ‘yung Y pero Cristi Fermin po ang kanyang ginagamit. Matagal na raw po ito (binanggit ang mga pangalan ng tagasubaybay nila sa radyo), sabi ng CFM’ers.


“Sobra naman po ito. Ako nga ay nagrerekomenda pa ng mga vloggers na lumalaban nang parehas, nakikiusap pa nga ako sa inyo na tulungan natin ang mga dumpster divers na Pilipino sa iba’t ibang bansa. ‘Yung mga lumalaban po nang parehas dito sa Pilipinas ay nakikiusap ako na pataasin natin ang views at hindi ko alam na ako pa po pala ang mabibiktima sa pagkakataong ito.


“Ang pakiusap ko lang sa mga vloggers, kung mayroon kayong gustong paangatin na pangalan o personalidad, kalayaan n’yo po ‘yan, puwede ninyong gawin ‘yan kahit na anong oras. Pero ‘wag na po tayong gagamit ng taong walang kinalaman para naman po siya ang mapasama,” pahayag ni ‘Nay Cristy.


Dagdag pa, “Hindi naman po tama na ako na walang personal na galit kay Vice Ganda, walang personal na pahinuhod sa kanyang mga ginagawa, kinokontra ko po ba ang bawat gawin niya?


Hindi! Isa lang po ang kinontra ko, ‘yung tungkol sa ginawa nila ni Ion (Perez) sa Showtime na ‘yan naman din ay kinatigan ng MTRCB at ng ating mga kababayan kaya nga po nasuspinde sila nang labingdalawang araw.


“Pero ‘yung palalabasin na pag-aawayin pa kami ng MTRCB? Parang gustong palabasin ng vlogger na ito ay pagsabungin kami ni Chair Lala Sotto?


“Unang-una, hindi po mangyayari ‘yan. May mga utak po sa tamang huwisyo ang pamunuan ng MTRCB (at) alam po nila na hindi ko kagagawan ‘yang balitang ‘yan na ipinatawag nila ang McDonald Philippines at si Vice Ganda para batikusin at baka mauwi na naman sa suspension. Wala po silang gagawin at hindi sila naniniwala na ang inyong lingkod ang nagpakalat ng fake news na ‘yan!


“At gusto ko pong pasalamatan ang pamunuan ng MTRCB sa maagang pagkilos kaysa po sa lumawig nang lumawig ang ganitong kawalanghiyaan. Mabuti na rin po na kaagad nilang sinupil itong nagpapanggap na AnimaCristiFermin. Manalamin naman kayo, tingnan ninyo ang inyong sarili at kung ang inyong kunsensiya ay kayo ang kakampihan.”


Ipinagdiinan din ni ‘Nay Cristy na hinding-hindi niya gagamitin ang Cristy Ferminute na 13 years na sa November 2023 at Showbiz Now Na para magbalita ng hindi totoo.


Anyway, nang muli naming i-check ang X account na @altcristifermin ay may nakalagay nang: “This account doesn’t exist.”


Maraming CFMer’s na ang nag-report nito bukod kay Atty. Ferdinand Topacio na inalam na rin ang tungkol dito.


‘Kaloka, ang tapang-tapang mag-post ng kung anu-ano ng kung sinumang poser na ito ni ‘Nay Cristy, hindi naman pala kayang mapanindigan!

.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page