Covid variant pa more, pero nganga pa rin si Duque
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 29, 2021
HUWAG PASIGURO SI MAYOR SARA NA SURE WIN SIYA, BAKA SA BILANGAN NG BOTO SIYA ANG MATALO--Huwag pasisiguro si Davao City Mayor Sara Duterte na sure win na siya sa vice-presidential race porke palagi siyang nagta-top sa mga survey ng mga survey firms.
Maraming kadahilanan para mabigo si Mayor Sara sa ambisyon niyang maging VP ng 'Pinas: una, marami ang kumalas sa pagiging DDS dahil hindi nagustuhan ang sistema ng pamamalakad ng kanyang ama sa bansa; pangalawa, siguradong ibabasura ng milyun-milyong ABS-CBN fanatics ang kanyang kandidatura at pangatlo, maraming may ayaw sa kanya dahil abusado rin umano siya sa poder, hindi pa limot ng mamamayan ang ginawa niyang panggugulpi sa isang court sheriff na nagpapatupad lang ng batas.
'Ika nga, 'wag pasisiguro si Mayor Sara na sure win na siya kasi baka sa survey lang siya panalo, pero talo naman pagdating sa bilangan ng boto, boom!
◘◘◘
HINDI MALAYONG ILAGLAG NG MGA BONGBONG SUPPORTERS SI MAYOR SARA--Sa totoo lang, baka pati ang mga supporters ni Sen. Bong Go ay hindi iboto si Mayor Sara.
Ang pagtakbo kasi ni Mayor Sara for VP ay malinaw na pagbangga niya sa senador o pagsulot sa posisyong VP dahil alam niyang candidate for VP na si Sen. Bong Go, 40-days nang kandidato for VP ang senador, tapos bigla siyang kumana sa pagka-VP.
Alam ni Mayor Sara na kapag kumandidato siyang VP ay aatras si Bong Go, at nangyari nga, ang problema nga lang, si former Sen. Bongbong Marcos ang naapektuhan sa pasya ng presidential daughter kasi hindi na si BBM ang ikinakampanya ngayon ni P-Duterte for president, kundi si Bong Go, period!
◘◘◘
MAY RECORD ANG LAKAS-CMD NG PANGTATRAYDOR, TRINAYDOR DIN NOON NG MGA MIYEMBRO NITO SI GMA--Itinanggi ng mga miyembro ng Lakas-CMD ang sinabi ni dating PACC (Presidential Anti-Corruption Commission) Chairman Greco Belgica na trinaydor ng partidong ito si P-Duterte dahil hindi ipinaalam sa pangulo ang planong BBM-Sara.
'Sus, kung makapagsalita ang Lakas-CMD para namang hindi sila nangta-traydor, eh, sa totoo lang, maging si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay trinaydor din noon ng ilang miyembro ng partidong ito.
Balikan natin ang kasaysayan. Noong si GMA pa ang pangulo, halos lahat ng pulitiko ay sumapi sa Lakas-CMD, pero nang wala na ito sa poder, at makulong sa kasong plunder, hindi nagpaalam kay GMA ang kanilang party members, basta nagsipagkalas na lang sa Lakas-CMD at lumundag sa LP na partido ng nagwaging pangulo noon na si Noynoy Aquino.
O, 'di ba, malinaw na pangtatraydor din kay GMA ang ginawang 'yan noon ng mga dating miyembro ng Lakas-CMD? Boom!
◘◘◘
MAY BAGONG VARIANT NA NAMAN, PERO SI SEC. DUQUE AY 'NGANGA' PA RIN--Matapos manalasa ng Delta variant ay may panibago na namang variant at ito ay ang Omicron na nananalasa ngayon sa South Africa, umabot na raw ito sa Europe at meron na rin sa Hongkong.
Ang masaklap, may bagong variant na nga ng COVID-19 ang nagsisimulang manalasa sa mundo, eh, si Sec. Francisco Duque III ng DOH ay "nganga" na naman, hindi nagpapakita sa publiko para magbigay-babala tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng mamamayan para hindi tamaan ng Omicron, buwisit!





Comments