COVID-19 vaccines para sa mga edad 5-11, parating na
ni Ryan Sison - @Boses | December 29, 2021
Sa pagpasok ng Enero 2022, inaasahang darating ang unang batch ng mga Pfizer COVID-19 vaccine na nakalaan para sa pagbabakuna ng mga batang may edad 5 hanggang 11.
Ito ang kinumpirma ni vaccine czar Carlito Galvez kung saan 20 milyong doses aniya ng Pfizer COVID-19 vaccine ang binili ng gobyerno para sa susunod na taon at 15 milyon ang nakalaan para sa naturang age group.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na hintayin muna ang guidelines kaugnay sa pagbabakuna sa mga edad 5 hanggang 11, pati ang petsa kung kailan ito puwedeng simulan.
Matatandaang noong nakaraang linggo, inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbibigay ng Pfizer vaccines sa naturang age group. Nauna na ring sinabi ng FDA na iba ang formulation ng Pfizer vaccines para sa mga edad 12 pataas na kasalukuyang may suplay sa bansa.
Sa huling tala, 47.1 milyon na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 sa Pilipinas kung saan higit 6 milyon pa ang kulang upang maabot ang target ng gobyerno na mabakunahan ang 54 milyong populasyon ng Pilipino bago matapos ang 2021.
Magandang balita ito dahil kung mas maraming kabataan ang mababakunahan, mas magiging ligtas ang binabalak na pagpapalawig ng face-to-face classes sa susunod na taon.
‘Yun nga lang, kailangang mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
Kaya habang hinihintay ang suplay, pakiusap sa nasyonal at mga lokal na pamahalaan, paigtingin ang kampanya sa bakuna, lalo pa’t ito ang kailangan natin upang makamit ang target ng national vaccination program.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments