COVID-19 vaccines for sale, ‘wag patulan!
ni Ryan Sison - @Boses | October 2, 2021
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala sa taumbayan na walang ipinagbibiling bakuna dahil libre itong ibinibigay ng pamahalaan sa ilalim ng national vaccination program, tuloy pa rin ang panloloko ng ilan.
Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili ng mga branded na COVID-19 vaccines na ibinebenta online gamit ang online selling platforms at social media.
Sa inilabas na advisory ng FDA, sinabing scam ang bentahang ito, kung saan ang mga brand na ipinagbibili ay kinabibilangan ng AstraZeneca, Pfizer at Moderna.
Ang siste, hihikayatin ng mga seller ang buyer gamit ang promo na buy one, take one at sa oras na maka-order at makapagbayad gamit ang e-wallet o bank transfer, may tatawag o magte-text na courier bago i-deliver para humingi ng delivery fee at pagkatapos nito, may hihingi naman ng insurance fee at sa dulo, walang matatanggap na produkto ang buyer.
Kaya paglilinaw ng FDA, ang COVID-19 vaccines na mayroon sa Pilipinas ay nasa ilalim lamang ng Emergency Use Authorization.
Matatandang, bawal pa sa bansa ang pagbebenta ng COVID-19 vaccines, kung saan may katapat na parusa at wala ring garantiya kung paano ito naibiyahe nang maayos at tamang temperature o cold chain.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil wala talagang pinipiling pagkakataon ang mga scammer na ito. ‘Yung tipong, ginagamit pa ang pangangailangan ng ibang tao para makapanlamang.
Kaya paalala sa taumbayan, ‘wag basta maniwala sa mga ganitong offer dahil muli, walang ipinagbibiling bakuna. At kapag may nakitang nagbebenta nito sa socmed o online selling platforms, ipagbigay-alam sa mga kinauukulan upang maaksiyunan.
Sa halip na nakapokus tayo sa pagtugon sa pandemya, heto at nadagdagan pa ang problema. Kaya kayong mga sangkot sa modus na ito, may kalalagyan din kayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments