COVID-19 vaccine, ‘di dahilan para makampante

ni Ryan Sison - @Boses | December 21, 2020
Sa kabila ng muling pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa ilang araw bago ang Pasko, nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na ‘wag maging kampante at sumunod pa rin sa health protocols kahit dumating na ang bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ng ahensiya, hakbang lang ang bakuna para mapigilan ang impeksiyon, kaya
dumating man ito bansa, dapat pa ring sumunod sa minimum health standards ang publiko.
Ang nangyayari, kani-kanyang lakwatsa, at ganap ang karamihan. Kahit hindi naman kailangang lumabas, kung saan-saan nagpupunta at madalas, nasa inuman at party-party dahil ang katwiran nila, parating naman na ang bakuna.
Ang masaklap pa, dedma na sa minimum health standards at feeling safe na sa COVID-19 ang ilan.
Paalala lang ho, tuloy pa rin ang pagpapatupad ng minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, physical distancing at paglilimita sa mass gathering.
Gayundin, babantayan umano ng LGUs ang pagpapatupad ng mga pailaw para sa Bagong Taon, na dapat ding sumunod sa health protocols.
Sa ngayon, pitong kumpanya, kabilang ang Pfizer ang nakakausap ng gobyerno tungkol sa bakuna.
Kung tutuusin, may punto naman ang DOH, kaya utang na loob, ‘wag matigas ang ulo.
Sabihin na nating makakukuha ng bakuna ang bansa, ang tanong, lahat ba ay mababakunahan?
Tandaan, nariyan pa rin ang virus sa paligid at naghihintay lang ng mabibiktima, kaya bago tayo mag-hapi-hapi, ‘wag nating kalimutan na hindi tayo exempted sa sakit.
At kahit magpa-Pasko o Bagong Taon man, kailangang ipagpatuloy ang ating pag-iingat at hangga’t maaari, iwasang magpasaway.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments