top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

COVID-19 surge sa susunod na mga buwan, posible!

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 23, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 23, 2021


Mas maraming tao sa mga pasyalan, mall at pamilihan.


‘Yan ang ilan sa mga kaganapan mula nang ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila noong Sabado, Oktubre 16.


Bagama’t ikinatuwa ng publiko ang pagluluwag dahil maaari nang makapamasyal, iba naman ang tugon ng mga eksperto, gayundin ang ilang ahensiya ng gobyerno at maging ang ilang lokal na pamahalaan.


Matatandaang, hindi pa rin pabor ang ilang alkalde ng ilang lungsod sa Metro Manila na makalabas ang mga menor-de-edad, at patuloy nilang binubuo ang panuntunan para rito.


Gayunman, nagbigay-babala ang Department of Health (DOH) sa posibilidad ng pagkakaroon ng panibagong surge sa susunod na apat hanggang anim na buwan sa kabila ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 infections sa bansa.


Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay dahil sa pagkakaroon ng malakihang pagtitipon-tipon, na posibleng maging “super spreader” event.


Kaya naman, nanawagan ang opisyal sa publiko na sumunod sa minimum public health protocols at pairalin ang disiplina.


Dagdag pa nito, kung magtutuluy-tuloy naman ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, posibleng mailagay sa mas mababang alert level ang Metro Manila sa Disyembre.


Sa totoo lang, bagama’t magandang hakbang ang pagluluwag para sa pagbangon ng ekonomiya, nakababahala ang pagdami ng mga tao sa labas ng tahanan. At kung magpapatuloy ito, hindi naman sa pagiging nega, baka magkaroon ng muling pagtaas ng kaso.


Kaya upang mapigilan ang pagsirit ng COVID-19 cases, doblehin pa ang pag-iingat sa lahat ng pagkakataon. At plis lang, ‘wag nating abusuhin ng mga hakbang na ipinatutupad.


Naging mahaba na ang ating laban sa pandemyang ito, kaya pakiusap sa taumbayan, kaunting tulong naman para tuluyan na tayong makaalis sa sitwasyong ito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page