COVID-19 sa ‘Pinas, kontrolado na ba?
ni Ryan Sison - @Boses | November 27, 2021
Sa kabila ng tuluy-tuloy na pagbaba ng naitatalang COVID-19 cases sa bansa, naninindigan ang Department of Health (DOH) na hindi pa tiyak kung masasabi nang kontrolado ang pandemya.
Base sa datos ng COVID-19 sa bansa ngayon, maaaring lumagpas nang 2 linggo na mas mababa sa 5% ang positivity rate ng Pilipinas.
At ayon sa World Health Organization (WHO) guidelines, kung mapananatili ng isang bansa na mababa sa 5% ang positivity rate nito sa loob ng dalawang linggo, masasabing “under control” na ang pandemya sa lugar.
Matatandaang unang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kokonsultahin nila ang WHO kung puwede nang masabing kontrolado na ang pandemya sa Pilipinas.
Ngunit giit ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, wala pa itong katiyakan. Base umano sa mga karanasan ng bansa, maraming hindi inaasahang pangyayari tulad ng pagbaba at muling pagtaas ng kaso dahil sa iba’t ibang dahilan.
Inihalimbawa nito ang vaccination rate sa NCR, gayundin ang community response sa rehiyon. Aniya, kung ikukumpara sa ibang lugar sa bansa, mababa pa rin ang pagbabakuna.
Kaya paliwanag ni Vergeire, kailangan pa ring tulungan ang ibang lokal na pamahalaan para mapataas ang kanilang pagresponde sa mga komunidad at pagdisiplina sa publiko.
Dapat din umanong ganap na handa na ang ‘health system’ ng bansa para makapagdeklara na kontrolado na talaga ang sakit.
Magandang balita na bumababa na ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19, pero ‘ika nga, hinay-hinay lang tayo dahil kung tutuusin, may mga bagay pa tayong dapat tutukan tulad ng vaccine hesitancy at disiplina ng publiko.
Nakatutuwang nagbubunga na ang ating mga sakripisyo at pagsisikap upang labanan ang pandemyang ito, ngunit hindi pa ito dahilan upang makampante na tayo.
Sa ngayon, ipagpatuloy ang mga gingawang pag-iingat, makiisa sa mga programa ng gobyerno kontra pandemya at higit sa lahat, pairalin ang disiplina.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments