COVID-19 pandemic, malinaw na nahahaluan ng pulitika
ni Ka Ambo - @Bistado | March 30, 2021
Malinaw na nahahaluan na ng pulitika ang COVID pandemic.
Promotor sa pamumulitika ang mismong DILG executives!
◘◘◘
TALAMAK ang korupsiyon sa iba’t ibang procurement sa LGUs pero dinededma.
Pero ang pagbabakuna ay binabatikan na rin ng maruming pulitika!
◘◘◘
BINABATIKOS ngayon ang Undersecretary for operations na si Usec. Epimaco Densing II.
Sinapawan na nito ang kanyang mga kasama sa DILG nang umepal sa vaccination process!
◘◘◘
PUMORMANG nanggagalaiti si Densing sa mga napaulat na local officials na nagpabakuna kasabay ng mga healthcare workers na frontliners sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Show cause order agad ang bitaw ni Densing sa mga mayors at iba pang local officials tulad ng nangyari sa aktor na si Mark Anthony Fernandez sa Parañaque City.!
◘◘◘
DAPAT sinusunod ng mga alkalde ang priority list na itinakda ng Department of Health bago inuna ang kanilang sarili at taong malalapit sa kanila.
Kasama sa pinapanagot ni Densing sa order na kanya na ring nai-summon ay si Parañaque Mayor Edwin Olivares upang harapin ang posibleng administrative case na ipapataw sa punong lungsod!
◘◘◘
DAHIL ito raw ang pumayag para mabakunahan si Fernandez at dalawa pang residente na wala sa priority list.
Command responsibilty ang punto ng DILG official.
Sa kabila nito, naglabas ng pahayag ang Parañaque City Health Office na wala silang nilabag nang bakunahan nila si Fernandez!
◘◘◘
AYON kay Dra. Olga Virtucio, City Health Officer, natapos nilang bakunahan ang lahat ng healthcare workers na nagparehistro para magpabakuna at sinimulan ang mga kasunod sa listahan na senior citizen, mayroong comorbidity at persons with disabilities (PWD).
Paliwanag pa ni Dra. Virtucio, kabilang ang aktor sa mga mayroong comorbidity dahil dumaan ito sa mga pagsusuri bago naaprubahan at maisama sa mga nasa quick substitution list (QSL) na iniatas din ng DOH!
◘◘◘
MAY ulat na si Densing ay ang nakalaban at tinalo ni Mayor Olivares sa pagka-congressman ng Parañaque City noong 2010 elections.
Ginamit ang isyu kay Fernandez upang sirain si Mayor Olivares na hindi nagpabakuna!
◘◘◘
DUMIPENSA rin si Mayor Noel Rosal ng Legazpi City sa Bicol na isa sa mga nabakunahan.
Ayon sa alkalde, ang kanyang pangalan ay kasali pagkatapos ng listahan ng kanilang mga healthcare workers at kinumpirma pa ito ng DOH Director na nandun sa kanilang lugar.
Kaya siya ay nagpabakuna matapos ang mga healthcare workers.
Ano’ng problema?
◘◘◘
NAGPABAKUNA si Mayor Rosal upang makumbinse ang mga kababayan niyang natatakot magpaturok ng COVID vaccine.
At dahil d’yan 89 porsiyento ng kanilang residente ang biglang nagsipayag na mabakunahan nang malaman ng mga ito na siya ay nagpabakuna!
◘◘◘
GANYAN si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez at iba pang mayor sa kabisayaan na pinananagot ni Densing, lahat sila iisa ang dahilan.
Hindi para sila ay mauna kaysa sa kanilang healthcare workers o nasasakupan, kundi maipakita sa mga tao na makabubuti ang pagpapabakuna dahil proteksiyon ito lalo na ng mga may edad na!
◘◘◘
MASAMA bang umaktong modelo si Mayor?
Hindi ba’t umaakto ring frontliner ang LGU execs at maging ang mga lider ng barangay?
Dapat nang rebyuhin ang umiiral na protocol!





Comments