COVID-19 home isolation sa mild at asymptomatic case, saklaw na rin ngayon ng PhilHealth
- BULGAR
- Sep 4, 2021
- 2 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | September 04, 2021

Hello, Bulgarians! Inanunsiyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Circular No. 2021-0014 na inilathala noong Agosto 19, 2021 at magkakabisa sa loob ng 15-araw mula sa paglalathala. Saklaw nito ang mga pasyenteng may COVID-19 na asymptomatic at mild case na nangangailangan ng isolation.
Ayon sa Department of Health, 41% ng mga kama sa ospital ay inookupahan ng mga COVID-19 mild cases. Sa karagdagang ulat nakumpirmang 95% ng mga kama sa ospital sa National Capital Region ay nagamit sa kasalukuyang pagdagsa ng mga kaso ng COVID-19. Ang bagong benepisyo ng PhilHealth ay maaaring makatulong na mabakante ang mga kama sa ospital na pabor sa mga kaso na nangangailangan ng mas mataas na antas ng pangangalaga.
Ang COVID-19 Home Isolation Benefit Package (CHIBP) ay magsisilbing alternatibo para sa mga pasyente na nakatutugon sa ilang pamantayan sa panlipunan at klinikal, na nagbibigay-daan sa kanila na makatanggap ng suporta sa kalusugan sa kanilang mga tahanan.
Ang home isolation package ay maaaring magamit ng mga pasyente na walang sintomas at positibo sa COVID-19 na sinuri sa pamamagitan ng RT-PCR test ngunit walang mga palatandaan ng sakit at mga pasyenteng nagpapakita ng banayad na mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, at namamagang lalamunan, bukod sa iba pa. Gayunman, nilinaw ng PhilHealth na ang mga banayad na kasong hindi nagpapakita ng mga sintomas ng pulmonya at hypoxia - o low blood oxygen levels - dahil ang mga ito ay ipinakita lamang sa mas matinding mga kaso.
Nilinaw ng state health insurer na tanging ang mga nakapasa sa parehong pamantayan sa klinika at panlipunan ang may karapatan sa benepisyo, at makapipili ng kanilang gustong CHIBP provider mula sa listahang nai-post sa website ng PhilHealth. Ang benepisyo ay magagamit lamang sa mga lugar na idineklara ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases. Inaanyayahan ng PhilHealth ang lahat ng mga pasilidad sa mga lugar na ito na magpatala bilang CHIBP provider na walang karagdagang accreditation fee.
Ang mga serbisyo sa ilalim ng package ay may kasamang home consultation para sa minimum na 10-araw, daily monitoring sa mga pasyente na maaaring gawin sa pamamagitan ng teleconsultation, at pagbibigay ng home isolation kit. Ang package ay may coverage na P5,917 bawat claim, kasama rin ang iba pang mga serbisyo tulad ng edukasyon sa pasyente at pag-refer sa mas mataas na antas na pasilidad, kung kinakailangan.
Ipinaalala rin ng PhilHealth na ang pag-file ng CHIBP claims ay dapat gawin online at dapat maproseso sa loob ng 60 araw mula nang natanggap.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa bagong benepisyo, ang mga miyembro ay maaaring idirekta ang kanilang katanungan sa PhilHealth Regional, Branch o Local Health Insurance Office. Ang mga query ay maaari ring ipadala sa pamamagitan ng e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph, o sa pamamagitan ng Callback Channel 09216300009 kung saan makatatanggap ang tumawag muli mula sa PhilHealth Action Center
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments