COVID-19 booster shots para sa senior citizens at mga may sakit, aarangkada
- BULGAR
- Nov 20, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 20, 2021
Matapos magsimula ang pagbabakuna ng COVID-19 booster shots sa mga health workers noong Miyerkules, posible na ring simulan ngayong Lunes ang pagbibigay ng booster shots sa mga senior citizen at may comorbidities, ayon sa National Vaccination Operations (NVOC).
Ayon sa opisyal ng NVOC, tinatapos na nila ang guidelines para sa pagbabakuna sa mga naturang grupo, na target mailabas ngayong weekend.
Gayunman, inaasahang sa susunod na taon na makapag-aalok ng booster shot para sa A4 o manggagawa, A5 o mahihirap at iba pang miyembro ng populasyon, habang ayon kay Dr. Nina Gloriani, head ng vaccine expert panel, hindi pa napag-uusapan ang pagbibigay ng booster shot sa mga menor-de-edad.
Samantala, nilinaw ng Department of Health (DOH) at vaccine expert panel na prayoridad pa rin ang pagbabakuna sa mga Pilipino na wala pang kahit isang dose ng COVID-19 vaccine.
Matatandaang sa target na 77 milyong Pilipino, 32.5 milyon pa lang o wala pa sa kalahati ang may kumpletong bakuna habang 40.1 milyon ang may unang dose.
Sa ngayon, sa ilang bansa tulad ng Israel, nae-expire ang “fully vaccinated” status kontra COVID-19 makalipas ang anim na buwan mula nang mabakunahan ng ikalawang dose ang isang tao. Dahil dito, kailangan umano nilang magpa-booster shot para muling makapasok sa mga restoran, gym at iba pang establisimyento.
Sa Austria, siyam na buwan mula sa ikalawang dose ang validity ng “full vaccination” status.
Habang sa Pilipinas, hindi pa umano ikinokonsidera ngayon na gawing tatlong dose ang requirement para matawag na “fully vaccinated”.
Ayon sa NVOC, kailangang nakaayon sa mapagkakasunduan ng World Health Organization (WHO) at mga bansa kung dadagdagan ang dose requirement para maging “fully vaccinated” ang isang indibidwal.
Kung kakayanin nang mabigyan ng booster shots ang mga nakatatanda at kababayan nating may karamdaman, magandang balita ito dahil ibig sabihin, may sapat tayong suplay ng bakuna.
‘Yun nga lang, sana ay mapalakas pa ang tiwala ng ilan nating kababayan sa bakuna nang sa gayun ay mas marami pang makatanggap ng bakuna.
‘Ika nga, patuloy lang ang laban kontra pandemya, pero kung magiging matagumpay ang lahat ng programa ng gobyerno laban dito, matutuldukan din natin ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments