Mga aspirante sa pagka-pangulo sa 2022, humahataw na

ni Ka Ambo - @Bistado | February 26, 2021
Nagkalat na ang paskil na: “Run, Sara, Run”.
Meaning, nagmamaniobra na ang mga presidentiables.
Dapat nating maunawaan na may “bago nang normal” pagsapit ng 2022.
Hindi natin dapat “basahin” ang 2022 batay sa dating normal.
Bakit?
Dahil ang matinding pagdarahop at kaliwa’t kanang patay at naospital—ay makaaapekto sa pagpili ng bagong lider ng bansa!
◘◘◘
Inaasahan sa 2022, mararamdaman ang aktuwal na dagok ng krisis.
Ibig sabihin, magiging lihim na maingat ang mga botante sa pagpili ng magiging lider sa 2022!
◘◘◘
Iiwasan din ng mga kandidato na magdeklara nang maaga upang hindi matulad sa sinapit ni dating Vice-President Jejomar Binay.
Taliwas sa mga nakaraang ding dekada, kapansin-pansin ang pagpasok ng mga pangalan ng mga babaeng presidentiables!
◘◘◘
Sa ngayon, kasama sa pinag-uusapan sina Mayor Sara, VP Leni at Sen. Grace Poe.
Sumasabay ang mga aspirante ring sina Sen. Manny Pacquiao, Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Sen. Vicente “Tito” Sotto III!
◘◘◘
Naririyan din ang pangalan ni dating Sen. Bongbong Marcos, Sen. Bong Go at kahit si Rep. Alan Peter Cayetano.
Pero, maaaring ang ilan sa mga binanggit ay magiging “tandem” na lamang ng iba pang mananatiling malakas sa survey bilang vice-presidentiables.
Maselan ang pagpili ngayon dahil sa krisis!
◘◘◘
Sumisingit din ang tsismis na “Duterte-Duterte” tandem—pang-pangulo si Mayor Sara at pang-VP si P-Digong.
Lahat ay malaya sa kani-kanyang espekulasyon dahil malayo pa ang 2022!
◘◘◘
Sinasabing posibleng mag-tandem din sina Marcos at Mayor Isko ng Maynila.
Nariyan din ang Mayor Sara-Sen. Bong Go.
Mayroon ding Duterte-Pacquiao o Marcos-Mark Villar!
◘◘◘
Dumarami ang aspirante dahil sa paniniwalang ang dapat maging susunod na pangulo ay may kakayahang solusyunan ang inaasahang matinding krisis sanhi ng pandemic.
Sa kanilang pag-analisa, kailangan ang mga beterano at may sapat na karanasan sa pasikut-sikot sa gobyerno upang mabilis na maresolba ang krisis!
◘◘◘
Ekonomiya ang political issue na papagitna kaya’t hindi maiwasan ipasok din ang tandem nina Lacson at Sotto na matagal naging senador ng ilang dekada.
Sa tingin natin, magsasagupa ay ang tandem ng mga popular sa masa kontra sa tandem ng bihasa sa pamamalakad sa burukrasya!
◘◘◘
Naghahanap ang taumbayan ng lider na may kakayahang sagipin ang bansa sa grabeng krisis na nararanasan ngayon.
Kaya bang resolbahin ang dambuhalang krisis ng mga baguhan o ng mga beterano?
Maselang isyu ‘yan sa eleksiyon!
◘◘◘
Kahit si P-Digong ay umaaming nahihirapan dahil magkaiba ang kanyang karanasan bilang mayor sa isang liblib na siyudad at biglang naging big boss ng buong bansa.
Paano masusugpo ang katiwalian kung hindi nauunawaan ang pasikut-sikot ng transaksiyon sa burukrasya?
Paano mapapasigla ang ekonomiya kung walang karanasan sa galaw at takbo ng kalakalan sa bansa at maging sa buong daigdig?
◘◘◘
Sa gitna ng pandemic, pinakamahalagang isyu pa rin ang pagsugpo sa korupsiyon.
Ang malaking bulto ng salaping inilabas sa panahon ng pandemic ay isyung papagitna sa 2022.
Nagamit pa ito nang seryoso at totohanan o ninakaw lang sa lahat ng antas ng pamahalaan?





Comments