Cool Smashers Vs. Angels sa PVL semifinals Final 4
ni Gerard Arce - @Sports | November 24, 2022

Tatangkain ng back-to-back Conference champions Creamline Cool Smashers na simulan ang kanilang misyon na maisakatuparan ang kauna-unahang three-peat title sa pagratsada ng semis round kontra defending champions Petro Gazz Angels sa single round-robin Final 4 ng 2022 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ngayong hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Lumalapit ng maisakatuparan ng grupo ni back-to-back Conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos na hatawin ang ikatlong sunod na kampeonato kasunod ng matagumpay na kampanya sa Open at Invitational Conference, kung saan tinalo nila ang makakaharap na Petro Gazz at ang dayuhang King Whale Taipei, ayon sa pagkakasunod.

Hindi man gaanong nagagamit dahil sa pagkakapareho ng posisyon kay Turkish import Yelo Basa, patuloy pa ring ibinubuhos ng 24-anyos na dating pambato ng UP Lady Maroons ang kanyang matutulis na hambalos, kung saan muling nakita ang angas sa loob ng taraflex court nang humataw ito ng all-around na triple-double performance at game-high 25 puntos mula sa 18 atake, 6 blocks at isang ace kasama ang 16 digs at 18 excellent receptions sa panalo kontra Choco Mucho Flying Titans sa kanilang huling laro noong nakaraang Huwebes.
“Of course, very happy kasi limited 'yung time of playing na meron tayo so siyempre gusto natin sulitin and nakaka-miss din maglaro eh. Nakaka-miss maglaro and I'm very happy na nakalaro ako today and looking forward pa sa mga susunod,” wika ni Carlos matapos ang panalo kontra Choco Mucho. “If ever, yung team, syempre, kailangan din ng tulong, hindi naman kami mga superman so teamwork pa rin naman yung pinapairal namin palagi and yung guidance nila coach.” Dito nasungkit ng Cool Smashers ang kanilang ika-7 panalo sa eliminasyon.





Comments