ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 9, 2024

MGA GAMBLING LORD, KABADO SA BALITANG SI GEN. KRAFT ANG PAPALIT KAY GEN. LUCAS SA CALABARZON -- Maugong ang balita sa Camp Crame na sisibakin ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil sa puwesto si PNP Region 4-A Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas at ayon sa impormasyon, ang napipisil na ipalit sa kanya ay si PNP Region 13 Director, Brig. Gen. Kirby John Kraft.
Dahil sa balitang ‘yan, malamang kakaba-kaba na ang mga gambling lord sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON) dahil kapag naitalaga na si Gen. Kraft bilang Regional Director (RD) ng PNP Region 4-A ay tiyak stop na ang mga raket nila sa CALABARZON, abangan!
XXX
SANA ALL TULAD NI BATANGAS PD COL. MALINAO NA MABILIS UMAKSYON LABAN SA MGA HEPENG ‘NGANGA’ SA PUWESTO -- Si Col. Jack Malinao ay naitalaga bilang Batangas Police Provincial Director (PD) nitong nakalipas na June 4, 2024, at makaraan lang ang higit isang buwan ay siyam na hepe sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigang ito na may “ngetpa” na performance ang sinibak niya sa puwesto.
Aba’y good ang ginawang ‘yan ni Batangas PD Col. Malinao, at sana all ng PD ay tulad niya na simbilis ng kidlat umaksyon sa pagsibak ng mga hepeng “nganga” sa puwesto, palakpakan naman d’yan!
XXX
ANDAMI SIGURONG CONVOY O ESCORT NG MGA SEN. KAYA NAMUMROBLEMA SA PARKING SA OPIS NG SENATE SA GSIS BLDG. -- Isa raw sa pinuproblema ng 14 senador na bumoto pabor sa pagpapagawa ng bagong gusali ng Senado ay ang maliit na parking area sa inuupahan nilang GSIS building sa Pasay City kaya’t nagpasya silang magpagawa ng New Senate Building sa Taguig City na lalagyan ng malawak na parking space.
Ganu’n? Aba’y napakalawak naman ang parking sa loob at labas ng GSIS bldg., tapos iniisip pa ng 14 senador ang parking space.
Siguro, sangkaterba ang convoy o escort ng mga senador kapag papasok sila sa Senado kaya problemado sila sa paparadahan ng kanilang mga sasakyan, boom!
XXX
KUNG HINDI NATANGGAL SI EX-SENATE PRESIDENT ZUBIRI MALAMANG TULOY PA RIN ANG KONSTRUKSYON NG NEW SENATE BLDG. WORTH P23 B -- Mabuti na lang at natanggal na sa pagiging Senate president si Sen. Migz Zubiri at napalitan siya ni Sen. Chiz Escudero na nagpa-stop sa konstruksyon ng New Senate Building nang malaman niyang mula sa dating pondong P8.9 bilyon ay papalo sa higit P23 bilyon ang kabuuang gagastusin sa ginagawang bagong gusaling ito ng Senado.
Kung nagkataon kasi na si Sen. Zubiri pa ang Senate president, malamang tuluy-tuloy ang konstruksyon nito at walang kaalam-alam ang taumbayan na ang ginasta mula sa kaban ng bayan sa New Senate Building na ito ay higit P23 B, tsk!
Comentarios