Constructicons, 'di padadaig sa balwarte Vs. PAOwer sa NBL
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 28, 2022

Ipagtatanggol ng Muntinlupa Constructicons ang kanilang tahanan laban sa walang talong bisita La Union PAOwer sa pagpapatuloy ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup ngyaong Biyernes sa Angelis Resort simula ng 6 p.m. sa Angelis Resort sa Barangay Poblacion.
Sa unang laro ng 4 p.m., parehong hahanapin ng Camarines Sur Express at Quezon City All-Stars ang unang tagumpay sa torneo. Galing ang Constructicons sa isang mapait na 78-105 pagkabigo sa defending champion Pampanga Delta noong nakaraang Linggo at nabahiran ang perpektong 2-0 kartada. Kailangan pumiga si Coach Gherome Ejercito ng lakas mula sa mga guwardiya na sina Andre Montserrat at Francis Abarcar, forward Danny Diocampo at sentro Lloyd Cabeguin upang bumalik sa tagumpay.
Itataya ng PAOwer ang 2-0 kartada na pantay sa nagpapahingang Delta para sa liderato ng NBL. Maraming magagamit na sandata si Coach Louie Aquino tulad nina Jap Pambid, John Uduba, Erven Silverie, Patrick Pascua, Roman Gatchallan at Billy Ray Boado na malaki ang ambag sa 2 panalo laban sa Las Pinas Oil Machine (130-111) at DF Bulacan Republicans (99-95).
May mga mahusay na ipinapakita ang mga manlalaro at hamon para kay Coach John Paul Disuanco ng CamSur at Coach Weng Adina ng QC na isalin ito sa mga panalo. Pangunahin dito si Orin Catacutan ng All-Stars na numero uno sa buong NBL sa puntusan na 27.3 bawat laro.
Kailangan ni Catacutan ng tulong sa mga kakamping sina Joseph Brutas, Larry Tucker, Leonardo Esguerra at Christian Manalo na lahat may kakayahan na gumawa ng 10 o higit na puntos. Sa unang dalawang laro ng Express, nagpakitang-gilas ang mga guwardiyang sina Fredson Hermonio at Jonathan del Rosario at mga forward AJ Perea at Francis Austin Redondo.





Comments