top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Concepcion sinimulan ang pakikipag-usap para sa pagbili ng Molnupiravir para sa MSMEs

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 14, 2022
2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | January 14, 2022





Hello, Bulgarians! Sinimulan ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion ang pakikipag-usap sa mga supplier ng antiviral drug Molnupiravir, bilang paraan para tulungan ang maliliit na negosyo na ang mga manggagawa ay tinamaan ng COVID-19. Inaprubahan kamakailan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization (EUA) para sa Molnupiravir, isang oral medicine na nakatutulong para mabawasan ang malalang sintomas ng COVID-19.


Ayon kay Concepcion, paraan ito para tulungan ang maliliit na negosyo at mga partner ng “A Dose of Hope Program” na makakuha ng nasabing gamot para sa kanilang frontline workers na nahawaan kamakailan. Idinagdag ni Concepcion na ang paggamit ng nasabing antiviral drug ay may superbisyon at babantayang maigi ng mga doktor ng pribadong sektor. Batay sa kanyang inisyal na pakikipag-usap sa ilang supplier, sinabi ni Concepcion na ang presyo ng Molnupiravir ay naglalaro sa P1,991 hanggang P5,200 kada bote, depende sa dami ng order at sa supplier.


Sa katatapos na Town Hall Meeting na inorganisa ng Go Negosyo, sinabi ni Vaccine Expert Panel member at infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na nababawasan ang tsansa na maospital at masawi ng 30 porsiyento. Kapag pinag-aralan ang datos mula sa ilang pag-aaral sa India, nakatutulong din ang Molnupiravir upang mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 ng 50 porsiyento at 80 porsiyento sa ikatlo at ikalimang araw ng paggamit, ayon sa pagkakasunod.


Sa tulong nito, sinabi ni Solante na makababalik sa trabaho ang manggagawa dahil hindi na sila nakahahawa at walang anumang sintomas ng COVID-19. Sinabi ni Concepcion, sapat na ang Molnupiravir habang hindi pa dumarating ang Paxlovid, isang oral formulation na kombinasyon ng dalawang gamot na ibinibigay ng isang beses.


Maaaring magpadala ng mensahe ang may-ari ng maliliit na negosyo sa official Facebook ng Go Negosyo (https://www.facebook.com/gonegosyoofficial) para malaman kung paano makabibili ng Molnupiravir.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page