COCO, P2 K LANG ANG TF NANG MAGBIDA SA INDIE FILM
- BULGAR
- Feb 10, 2023
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | February 10, 2023

Mistulang tribute for Coco Martin ang ginanap na grand mediacon ng bagong aksiyon serye niya na FPJ’s Batang Quiapo na magsisimula na sa Lunes, February 13, 8 PM.
Umapaw ang pasasalamat at papuri kay Coco ng mga artistang kasama niya sa Batang Quiapo.
Na-reveal din tuloy ang mga sikretong pagtulong na ginagawa ni Coco sa mga taga-industriya.
Hindi rin napigilan ng aktres na si Cherry Pie Picache ang maghayag ng kanyang saloobin sa mga ginagawang pagtulong ni Coco sa mga taga-showbiz. Si Cherry Pie ang gaganap na ina ni Coco sa Batang Quiapo.
“Nu’ng (FPJ’s Ang) Probinsyano pa lang, I have a very short stint in Ang Probinsyano. Kasi ‘yun ‘yung panahon na nag-uumpisa siya, episodic pa. So, kami ni Carlo Aquino. So, tumagal ng pitong taon,” sabay tawa ni Cherry Pie.
Pagpapatuloy niya, “O, every time na magkikita kami, sabi ko, ‘Bakit hindi mo ako kinukuha?’
Kasi natapos na nga. So, I just really, really feel blessed and siyempre, nagpapasalamat nga ako to ABS, to Dreamscape and of course, sa anak ko, kay Direk Coco for making me a part of this show.
“It is such an honor to be working, sinabi niya kanina, mahirap siyang katrabaho, kasi masipag siya. ‘Yung commitment niya, saka dedication niya sa craft niya, sa creativity niya sa trabaho niya, and I love working with these kind of people, so nagpapasalamat ako na kasama ako.
“And then, kita n’yo naman ‘yung mix ng mga artists na kasama sa Batang Quiapo, iba-iba ‘yung gift. ‘Di ba, may gift of vloggers, sa sports, sa rap, lahat-lahat, napagsama-sama. So, it’s such an honor to be part of these creative people. Thank you, Anak-Direk Coco.
“At isa pa pala, sinabi ko rin sa kanya, sana ‘pag tumanda ako na katulad ni Pen (Medina), sana, sa mga batang artista na henerasyon ngayon, sana, may isang Coco Martin na magbibigay-halaga sa mga elder actors.
“Kasi kung anuman ‘yung ipinundar nila, ‘yun din ang nagbigay ng inspirasyon, leksiyon sa aming mga batang artista. At sana, kaming mga nasa edad ngayon, sa mga batang henerasyon ngayon na artista, it’s not just about social media, it’s not just about how many likes you have or followers, it’s your dedication to your craft and, it’s how kind and dedicated and committed you are with other people. Hindi lang sa co-actors mo, sa lahat ng parte ng team — sa staff, sa crew, sa utility, sa buong community na pagtatrabahuhan mo.
“So, sabi ko nga, sana ‘pag tumanda ako, katulad ni Pen Medina, sana, may isa pang Coco Martin na magbibigay-importansiya sa mga elder actors. Kaya salamat Coco talaga. Kasi totoo, ang dami-daming natulungan ni Coco na ‘yung iba, hindi na nga niya ipinapaalam, ‘di ba?
“'Yung sinasabi nga niya kanina, ‘Bakit hindi mo bibigyan ng pagkakataon?’ Kasi minsan, ‘di ba, pagkakataon lang ang kailangan para maipakita ‘yung biyaya na ibinigay sa kanila ng Diyos. At ‘yun ang ipinagkakaloob at isine-share generously ni Coco.”
Habang nagsasalita si Cherry Pie, napansin naman naming nakayuko lamang si Coco na nakaupo katabi ang kanyang leading lady sa bagong Kapamilya aksiyon-serye na si Lovi Poe.
Nagpaliwanag naman si Coco kung bakit niya ginagawa ang pagtulong sa ibang artista.
“Eh, kasi, nagsimula rin talaga ako sa wala. Sabi ko nga, ano lang ako dati, ekstra, ‘di ba?
First acting experience ko, minura ako nu’ng direktor. Tapos, pinapapalitan ako. Mahirap ‘yung pinagdaanan ko bago ako naging ganap na artista talaga,” panimula ni Coco.
“Tapos, hindi man totally pag-aartista ang pangarap ko, normal na trabaho lang, ang hirap nu’ng oportunidad. Naranasan ko dati kahit nag-eekstra ka na, ngayon, meron, six months, wala. Nu’ng nag-indie film ako, naranasan ko, P2,000 lang ‘yung ibinayad sa akin. Ako ang bida sa buong pelikula.
“Kumbaga, talagang gapang. Tapos, ang sabi ko noon sa sarili ko, lagi kong hinihintay ang oportunidad.
“Ngayon na kahit papa'no, may pagkakataon ka, or nasa kamay ko na makatulong, bakit ko ipagkakait? Eh, kasi, ‘yan ‘yung hinihintay ko dati, eh, para mabuhay ko ‘yung pamilya ko.
Kaya nakikita ko ‘yung mga tao na puwede kong tulungan at nakikita kong deserving, bakit hindi, ‘di ba? Bakit ko pahihirapan pa? Ang daling ibigay.
“Eh, ang ibinibigay ko naman sa kanila, trabaho. Hindi naman manggagaling sa bulsa ko ‘yan. Pero isa lang ang lagi kong hinahanap sa kanila, ‘yung commitment, dedication at pagiging professional. ‘Yun lang at saka mahalin lang nila ‘yung trabaho,” lahad ni Coco.
Hindi lang artista si Coco sa Batang Quiapo, ha, co-director din siya along with Direk Malu Sevilla, and co-producer pa under CCM Film Productions.
Bukod kina Cherry Pie at Lovi, kasama rin sa Batang Quiapo sina Christopher de Leon, John Estrada, Lito Lapid, Mark Lapid, Irma Adlawan, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, Tommy Abuel, McCoy de Leon at Charo Santos.
Mapapanood ang Batang Quiapo sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Kapamilya Online Live on ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel and Facebook page.





Comments