top of page
Search
BULGAR

COC ng nga kandidato at report sa paggastos, isasapubliko

ni Ryan Sison @Boses | Sep. 30, 2024



Boses by Ryan Sison

Sa darating na midterm election sa May 12, 2025, maraming isasagawa rito na unang mararanasan ng mga Pilipino.


Sa ginanap na National Information Summit 2024 sa Development Academy of the Philippines, ipinahayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na kabilang sa mga first-time feature ay ang posting ng certificates of candidacy (CoC) ng lahat ng local at national candidates, at certificates of nomination at certificates of acceptance ng nominasyon ng partylists dalawang linggo matapos ang paghahain.


Ayon kay Garcia, ito ay para makita ng publiko kung ano ang inilagay nila (mga kandidato) sa kanilang CoCs at malalaman din ng mga mamamayan kung sino ang naturang kandidato.


Sinabi naman niyang ang lahat ng venue para sa paghahain ng CoC ay nakatakda sa October 1 hanggang 8, gayundin ang bilang ng mga posisyon sa bawat lalawigan ay kanilang ipo-post.


Matapos ang eleksyon, isasapubliko naman ng Comelec ang mga statement of contributions at expenditures ng mga kandidato.


Binanggit din ng Comelec chairman na magkakaroon ng 171 venues nationwide para sa

mall voting, kung saan prayoridad ang mga barangay sa paligid ng mga establisimyento. 

Aniya pa, ang mga overseas Filipino ay maaaring lumahok sa eleksyon gamit ang internet, kung saan nagpapahiwatig na rin ng posibilidad na gamitin ang internet platform sa darating pang mga halalan.


Sa 2025 midterm election, ang mga mamamayan ay boboto para sa 12 senador, 254 district representatives, 63 party-list organizations, 82 governors, 82 vice governors, 149 city mayors, 149 city vice mayors, 1,493 municipal mayors, 1,493 municipal vice mayors, at mga miyembro ng city council, provincial boards, at mga municipal council.


Ang mga botante naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay mag-e-elect din ng 32 miyembro ng kanilang parliament ng 40 party-list representatives.


Maganda ang layunin ng kinauukulan na i-post o isapubliko ang mga CoC ng lahat ng kandidatong tatakbo sa papalapit na eleksyon.


Sa ganitong paraan kasi ay talagang makikilatis ng mga kababayan ang mga kandidatong kanilang iboboto kung karapat-dapat ba o hindi ang mga ito. Kung sila ay may kakayahan at kaalaman para sa mabuting pamamahala at siyempre tapat na maglilingkod sa kanilang nasasakupan.

Kumbaga, mapipili nang husto ng mga botante ang tama at maayos na magiging lider.

Gayundin, maipapaalam sa mga mamamayan kung paano ang mga kandidato ay gumastos o ginamit ang pondo sa panahon ng kampanya at mismong eleksyon. 

Paalala lang sa ating mga kababayan, huwag sana tayong pasilaw sa magagandang salita at mga pangako ng mga kandidato, kailangang suriin nating maigi ang karakter o pag-uugali ng mga ito. Lagi nating isipin na ang dapat iluklok sa puwesto ay iyong may magagawa para sa ikabubuti ng taumbayan at ating bayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page