Coaches Snyder at Rivers, pasok sa NBA All-Star Game

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 22, 2021

Itinalaga sina Quin Snyder ng Utah Jazz at Doc Rivers ng Philadelphia 76ers bilang mga coach ng Team LeBron at Team Durant sa 2021 NBA All-Star Game sa umaga ng Marso 8, oras sa Pilipinas, mula sa State Farm Arena ng Atlanta, Georgia. Napili ang dalawang coach dahil numero uno ng mga koponan sa Western at Eastern Conference pagsapit ng Pebrero 21.
Ito ang unang All-Star ni Coach Snyder at pangalawa ng Jazz matapos si Coach Frank Layden noong 1984. Kasama na si Coach Rivers sa listahan ng 15 iba pang mga alamat at kasapi ng Hall of Fame na napili sa tatlo o higit pang All-Star matapos ang 2008 at 2011 noong hinahawakan niya ang Boston Celtics.
Samantala, sa mga laro kahapon, matapos ang apat na buwan na paghihintay ay nakabawi ang Miami Heat sa defending champion Los Angeles Lakers, 96-94, sa muling paghaharap sa Staples Center. Mahalaga ang panalo sa Heat ni kabayan Coach Erik Spoelstra upang buhayin ang naghihingalong kampanya sa kartadang 13-17 at 9th place sa Eastern Conference.
Lamang ng 10 ang Heat, 89-79, subalit humabol ang Lakers hanggang maging dalawa ang pagitan sa buslo ni Wesley Matthews, 94-96, at 8 segundo sa orasan. Naagaw ni LeBron James ang pasa ni Andre Iguodala subalit nakahinga ang Heat nang maluwag matapos ang mintis si Alex Caruso sa paubos na oras.
Nanguna sa Heat si Kendrick Nunn na may 27. Hindi naglaro sina Anthony Davis at Dennis Schroder para sa Lakers na dalawang sunod na ang talo sa Staples Center.
Namayani si Terry Rozier sa 5 puntos sa huling 9 na segundo upang maagaw ng Charlotte Hornets ang 102-100 panalo sa Golden State Warriors na naglaro na wala si Stephen Curry na umalis bago magsimula ang laro dahil masama ang pakiramdam. Unang pinasok ni Rozier ang dalawang free throw galing sa technical foul ni Draymond Green para sa tabla, 100-100 at sinundan ng buslo para sa 36 puntos habang may 15 si PJ Washington.
Kumapit nang husto ang Chicago Bulls sa 4th quarter at pigilin ang Sacramento Kings, 122-114. Mainit muli si Zach LaVine sa38 puntos. Nagwagi rin ang Phoenix Sunssa Memphis Grizzlies, 128-97, sa likod ng 23 puntos ni Devin Booker. Hindi itinuloy ang laro ng Indiana Pacers sa Houston Rockets dahil isinara ang Toyota Center bunga ngpagbagsak ng makapal na niyebe at matinding lamig sa lungsod. Nauna nang ipinagpaliban ang laro ng San Antonio Spurs sa New York Knicks dahil sa COVID-19 protocol.





Comments