top of page
Search
  • BULGAR

Coach Spoelstra at Team U.S.A. ready na sa World Cup

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 23, 2023



Dumating na sa Pilipinas ang paboritong Team USA para sa 2023 FIBA World Cup Martes ng umaga. Kahit binubuo ng isang dosenang pausbong na bituin ng NBA, tiyak na tututok ang atensiyon ng mga tagahanga sa mga assistant coach Erik Spoelstra at Chip Engelland na parehong may tatak Filipino.


Kahit nakailang dalaw na sa Pilipinas, emosyonal ang lakbay na ito ni Coach Erik ng Miami Heat na hindi pa rin makapaniwala na kinuha siya ng USA Basketball. Ang pamilya ng kanyang ina ay tubong San Pablo City, Laguna at naroon pa rin ang ilan niyang malalapit na kamag-anak.


Para kay Coach Chip, sasariwain niya ang ala-ala ng kanyang panahon sa pambansang koponan noong Dekada 80 bilang naturalized Pinoy. Kasalukuyang assistant sa Oklahoma City Thunder, kinuha siya ni head coach Steve Kerr upang turuan ng shooting ang mga manlalaro na kanyang pangunahing sandata para sa Northern Consolidated sa PBA.


May ugnayan din sa Pilipinas si Rookie of the Year Paolo Banchero ng Orlando Magic na pinsan ni Chris Banchero ng Meralco Bolts. Subalit hindi siya pwede sa Gilas dahil Italyano ang kanyang tatay at Amerikana ang kanyang nanay.


Pangungunahan ang opensa ng mga Amerikano ni Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves na nagpasikat sa pagwalis ng mga ensayo kontra Puerto Rico, Slovenia, Espanya, Gresya at Alemanya. Nariyan din sina Jalen Brunson ng New York Knicks at Tyrese Haliburton ng Indiana Pacers.


Nakasalalay ang depensa kay Defensive Player of the Year Jaren Jackson Jr. ng Memphis Grizzlies at sa mga matatangkad na sina Bobby Portis ng Milwaukee Bucks at Walker Kessler ng Utah Jazz. Kinukumpleto ang koponan nina Mikal Bridges at Cam Johnson ng Brooklyn Nets, Josh Hart ng Knicks, Brandon Ingram ng New Orleans Pelicans at Austin Reaves ng Los Angeles Lakers.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page