top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Co-star, inilaglag... CHARO: JOHN, DALA-DALA ANG BAD MOOD SA SET

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 6, 2023
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 6, 2023



Inamin ni Ms. Charo Santos-Concio na nakapag-adjust na siya sa tapings ng FPJ’s Batang Quiapo dahil sa ilang dekada niya sa showbiz ay nasanay siyang may script pero pagdating daw sa BQ ay wala.


Bungad ng Chief Content Officer at dating presidente ng ABS-CBN, “Sobrang kakaibang experience po ito para sa akin kasi may mga eksena kami ni Coco (Martin) na hindi naman namin ni-rehearse, tapos biglang may itatanong siya sa akin (na) walang clue. Bigla na lang niyang itatanong, kaya huhugot ka talaga sa pagkakaintindi mo sa karakter mo at sa hinihingi ng eksena.


Kaya minsan nagtatanong ako (sarili), ire-reveal ko na ba ang mga alam ko? Ano ba ang dapat kong isagot?


“Naku, hindi puwede kasi baka mapadali ang kuwento ng Batang Quiapo. So, it’s a very difficult experience kasi kailangan mo mag-improvise kaya you have to be quick on your toes.


“And napakasarap kasi ‘pag lumalabas ako, hindi Ma’am Charo ang tawag sa akin kundi Lola Tindeng. So, happy naman ako, Tanggol (sabay tapik sa likod ni Coco) aking apo, na nakinig ka sa mga pangaral ko at babaguhin mo na ang takbo ng iyong buhay,” masayang sabi ng premyadong aktres.


Binalikan ng tanong si CSC (pet name kay Ms. Charo) na nahihirapan na raw siya sa ibang projects niya na may scripts at nasanay na siyang wala.


“I had to readjust kasi kasama ‘yan. Kasi sa kanya (Coco), batu-bato lang ng dialogues kaya kailangan sharp ang memory mo. Eh, pagbato niya, dapat memorized mo na kaagad.


“Pagbalik ko kay Direk Malu (Sevilla), ‘yung traditional way na may reading tapos may script, (sabay hawak sa ulo). Hays, parang namumurol yata ang utak ko. Hahaha! Pero ngayon, marunong na (ako), flexible na kahit saan mo dalhin,” kuwento ni Ms. Charo.


Puring-puri pa ng aktres ang ibang kasama sa BQ na puro raw magagaling at grabe ang energy na ibinibigay, “Very collaborative ang lahat.”


Tinanong kung paano kapag may taping sila at hindi maganda ang gising, paano raw ito hina-handle.


“Walang bad day kasi artista ka. Iwanan mo ang bad day mo sa bahay,” diin ni Ma’am Charo.


Kaya tinanong ang premyadong aktres kung sino sa cast ng BQ ang nagdadala ng “bad day” sa taping.


“Wala, si John (Estrada),” ang pambubuking ni CSC na naging dahilan para matawa ang lahat ng nasa loob ng venue ng mediacon. Natawa rin si John sa sinabi ng dating boss.


Hirit pa ni Ms. Charo, “Super professional. Joke! (sabay hawak sa pisngi ng aktor).”


Kaya tinanong ang aktor kung ano ang reaksiyon niya sa sinabi ni CSC.

“Salamat,” sabay tingin kay Ms. Charo.


Napaka-sport ni John dahil kahit anong pangungulit sa kanya ng media ay sinabi niyang okay siya at walang pinagdaraanan. Nagpasalamat din ang aktor dahil mahal at suportado siya ng media


Going back to Ms. Charo ay natanong siya tungkol sa isyung maraming nagrereklamong vendors sa Quiapo sa kawalan nila ng benta dahil sa shooting ng FPJ’s Batang Quiapo.


“Ang observation ko, may paggalang naman ang buong production sa mga tao ru’n at sa lugar. Wala akong naramdaman na hindi kami welcome.


“Maayos na maayos naman kaya nagulat nga ako nu’ng nagkaroon ng konting issue, konting ingay, oo, kasi maayos naman, eh.


“Wala akong recollection na may kahit nagparinig kasi very welcome kami ru’n sa lugar, mababait sila sa amin. Ang maipagmamalaki ko, maayos ang production at iginalang ng Batang Quiapo ang lugar,” sey ni CSC.


Nabanggit pa na naging tourist spot na ang Quiapo dahil maraming nagpapa-picture sa mga lugar kung saan nag-shoot ang cast na ang caption ay “Dito ‘yung eksena nina Tanggol, etc. etc.”


Isa pang ibinalita ay mag-iikot sa iba’t ibang sulok sa Pilipinas ang ilang cast members ng FPJ’s Batang Quiapo para sa kanilang “Katok Buhay” kung saan masayang ibinabahagi ng mga manonood ang kani-kanilang paboritong karakter at eksena sa palabas.


Mapapanood ang FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi, 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Kapamilya Online Live sa YouTube channel. ❖🙰❖


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page