CMU, binulabog ng bomb threat
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
by Maeng Santos @News | February 20, 2026

Photo: CMU-I-Connect / SS
Nakatanggap ang City of Malabon University (CMU) ng mensahe sa e-mail na may bomba umaano sa naturang pamantasan kaya agad ipinatupad ang mahigpit na panuntunan, Huwebes ng tanghali.
Hindi naman nagsuspinde ng klase ang unibersidad pero inabisuhan ng pamunuan ang miyembro ng kanilang pamayanan na maging kalmado, mapagmasid, at ipagkaloob ang kooperasyon sa mga pulis at security personnel.
Batay sa inilabas na kalatas ng pamunuan ng naturang pamantasan, nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Malabon City Police Station at inalam agad ang sitwasyon habang nagdagdag at hinigpitan na rin nila ang seguridad sa buong campus.
Matapos ang masusing pagsisiyasat sa buong campus, walang nakitang panganib subalit patuloy pa rin ang mahigpit na panuntunang ipinatupad sa mga pumapasok sa campus at masusing nirerekisa ang dalang gamit pati na ang pag-monitor sa mga sasakyan sa pasilidad.
Bagama’t hindi inilagay sa kalatas na inilabas ng pamunuan ang uri ng pananakot na kanilang natanggap, kinumpirma naman ni Malabon Station Community Affairs Section (SCAS) chief P/Capt. Eduardo Antalan, Jr. na bomb threat ang mensaheng natanggap ng pamunuan na ipinadala sa kanilang e-mail.
Sa pahayag ng pamunuan, sineseryoso nila at kinokondena ang lahat ng uri ng mensahe ng pananakot at karahasan kasabay ng pagtiyak na hahabulin ang mga ito hanggang sa lawak na maaabot ng batas.








Comments