Cluster, nanikwat ng korona sa Gran Copa
- BULGAR
- Jun 28, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 28, 2023
Ginulat ni Cluster ang mga liyamadong katunggali matapos nitong sikwatin ang korona sa 2023 Araw ng Maynila "Gran Copa De Manila Division II noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Ipinakita agad ni Cluster ang kanyang tikas, hindi nito hinayaang makalayo ng todo ang matutulin sa largahan na sina Sky Story at Tell Bell.
Dumiskarte ang hineteng si AM Bufete at ipinuwesto lang nito si Cluster sa tersero sa kalagitnaan ng karera.
Papalapit ng far turn nasa segundo puwesto na si Cluster at sa huling kurbada ay nasa unahan na ang winning horse.
Nagpatuloy sa pag-arangkada ang Cluster sa rektahan kaya kahit malakas ang remate ng Prime Billing ay nauna pa rin itong tumawid sa meta.
Tinawid ni Cluster ang finish line ng may isang kabayo ang agwat kay Prime Billing, tersero si BadBoy MJ habang pumang-apat si Sky Story sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nilista ni Cluster ang tiyempong 1:40.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P480,000 premyo para sa winning horse owner na si FR. Sevilla.
Nasungkit naman ni Prime Billing ang P180,000, nakuha ni BadBoy MJ ang P100,000 habang napunta sa fourth placer na si Sky Story ang P40,000.





Comments