top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Clippers at Mavs, tabla pa sa 3-3, Jazz, abangers pa

BULGAR
Jun 6, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 06, 2021




Sinigurado ni All-Star Kawhi Leonard na magkakaroon ng Game Seven sa kanilang serye at tinalo muli ng bisitang Los Angeles Clippers ang Dallas Mavericks, 104-97, sa NBA Playoffs kahapon sa American Airlines Center. Ang serye ay tabla muli sa 3-3 at lilipat sa Staples Center sa Lunes upang malaman kung sino ang papasok sa Western Conference semifinals laban sa naghihintay na numero unong Utah Jazz.

Ipinasok ni Leonard ang 12 sa kanyang 45 puntos sa 4th quarter kasama ang pandiin na tres upang itakda ang iskor sa 98-90 at 1:41 sa orasan. Mula roon ay nagpakita ng tibay sa free throw sina Reggie Jackson at Paul George at hindi binigyan ng pagkakataon na gumawa ng milagro sina Luka Doncic at ang Mavs.

Huling nakatikim ng lamang ang Dallas, 85-84, matapos ang dalawang free throw ni Tim Hardaway Jr. Sinagot ito ng Clippers sa pamamagitan ng anim sa sunod na puntos galing kay Paul George, Leonard at tinuldukan ng dunk ni Nicolas Batum, 90-85, at limang minuto ang nalalabi.

Malaking tulong ang natanggap ni Leonard kay Jackson na may 25 puntos habang may 20 puntos at 13 rebound si George. Nagtapos si Doncic na may 29 puntos at 11 assist habang may 23 puntos si Hardaway buhat sa apat na tres.

Samantala, magsisimula ngayong araw ang Eastern Conference semifinals sa pagdalaw ng Milwaukee Bucks sa Brooklyn Nets simula 7:30 ng umaga para sa Game One ng kanilang seryeng best of seven sa Barclays Center. Nakatutok pa rin ang pansin sa Big Three ng Nets na sina Kevin Durant, Kyrie Irving at James Harden na malaki ang papel sa 4-1 tagumpay sa Boston Celtics sa Round One.

Winalis ng Bucks ang Miami Heat, 4-0, upang makapasok sa semis sa likod nina MVP Giannis Antetokounmpo, Khris Middleton, Robin Lopez at Jrue Holiday. Noong nakaraang regular season ay nanalo ang Milwaukee sa dalawa ng kanilang tatlong tapatan kontra Brooklyn.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page