top of page
Donny Pangilinan - IG.jpg

Claudine, nag-file na ng cyber libel sa NBI… “SA KORTE NA LANG KAMI MAGTUTUOS” — CRISTY FERMIN

Writer: BULGAR
BULGAR
53 minutes ago
4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 22, 2026



SHEET - “SA KORTE NA LANG KAMI MAGTUTUOS” - CRISTY FERMIN_FB Circulated

Photo: FB Circulated



Tuluyan nang naghain ng kasong cyber libel si Claudine Barretto laban kina ‘Nay Cristy Fermin at Romel Chika sa National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang kanyang abogado kahapon.


May kinalaman ang reklamo ng aktres sa nabanggit na bipolar at umaasa siya sa Ate Gretchen Barretto niya sa episode ng Showbiz Now Na (SNN) na napapanood sa YouTube (YT) channel nina ‘Nay Cristy at Romel.


Sa opisina ni NBI Director Atty. Melvin A. Matibag dumiretso ang aktres kasama ang kanyang abogado base sa video na kuha ni John Consulta ng GMA News.


Maririnig sa usapan nina Atty. Matibag at Claudine na binanggit ng una ang “Barbie arms ba ‘yun?” at “Ang layo,” sey naman ng huli.


Nabanggit pa ng aktres na isa sa mga reklamo ay “It’s all about mental health po, Atty., and she (‘Nay Cristy) even said that I’m bipolar. There’s nothing wrong with being bipolar, pero I’m diagnosed with anxiety, panic disorder.”


Sey naman ng hepe ng NBI, “So more cases for her?”


Nakunan din ng GMA News reporter ang pagpirma ng aktres sa dokumentong naglalaman ng reklamo niya habang nakamasid ang abogadong si Atty. Lance Abraham Mateo mula sa Cañero, Manalo, Mateo & Partners Law Office.


Samantala, nakapanayam naman si Claudine ng mga TV reporters at hiningan siya ng reaksiyon tungkol dito.


“Since last year, ‘di n’ya talaga ako tinatantanan. Ito na ‘yung last straw. ‘Di talaga s’ya tumitigil,” paliwanag ng aktres.


Nabanggit ding labis na nasasaktan si Claudine at pati mga anak niya.

Sa tanong kung willing makipag-ayos si Claudine kay ‘Nay Cristy, sagot niya, “No!”

Ang unang reaksiyon naman ng aktres nang marinig na laman siya ng balita sa SNN ay (as is), “Na naman? ‘Di na talaga tumigil, na naman!”


Natanong din si Claudine tungkol sa marami nang naging kaso sina ‘Nay Cristy at Romel Chika tulad ng isinampa niya, pero kaagad itong sinagot ng aktres.


“Walang-wala ‘yung mga complaints ni Bea Alonzo at saka ni Sharon Cuneta sa lahat ng pinagsasabi n’ya sa akin, sa pagkatao ko,” katwiran nito.


“Happy Halloween!” ang mensahe niya kay ‘Nay Cristy nang tanungin kung ano ang sasabihin niya rito.


Nu’ng isang araw ay nagbigay na ng pahayag si ‘Nay Cristy tungkol sa demanda ng aktres.


“Wow! Big words! Ipakukulong daw n’ya ako? Siguruhin n’yang may merito ang kasong isasampa n’ya sa piskalya pa lang!


“Ano, mauuna pa akong makulong sa mga nangurakot ng male-maletang salapi sa gobyerno? Look who’s talking! Diyos, ano ba? Nakakahiyang kaso ‘to!” pahayag ng SNN host.


Habang isinusulat namin ang balitang ito ay muli kaming nagpadala ng mensahe kay ‘Nay Cristy at nabanggit naming tiyak na alam na niyang nagpunta na sa NBI si Claudine kasama ang abogado nito.


“Anak, maraming salamat. Hihintayin na lang namin ang kopya ng reklamo n’ya at sasagutin namin. Sa korte na lang kami magtutuos. Salamat sa suporta,” sagot nito sa amin.





TINALAKAY ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong Miyerkules ang dalawang panukalang batas na nagsusulong ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Charter para sa modernisasyon nito.


Pinangunahan ni MTRCB Chair at CEO Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio ang ahensiya sa pagdinig nu’ng Oktubre 21, 2026, sa ilalim ng pangangasiwa ni Senador Robin Padilla, ang chair ng Senate panel.


Sina Senador Vicente Sotto III at Jinggoy Estrada ang naghain sa Senate Bills Nos. (SBN) 445 at 878.


Nagpasalamat ang MTRCB Chair sa komite sa pagtalakay sa mga panukalang sumusuporta sa age-appropriate classification at responsableng panonood.


“Cognizant of developments in the digital realm, we shall always remain responsive to the call of the times as public officials and civil servants who made a vow to serve with integrity, accountability and responsibility,” dagdag ni Sotto.


Inihain ang dalawang batas noong Agosto, 2026. Ang SBN 445 ay nais patatagin ang mandato, kakayahan at organizational structure ng MTRCB, habang ang SBN 878 naman ay nais lumikha ng retained income fund para sa ahensiya.


Matatandaan na ang MTRCB ay itinaguyod noong 1985 sa bisa ng Presidential Decree (PD) No. 1986. Walang naging pagpapalawig ng mandato o responsibilidad ng ahensiya mula noon.


Ipinaliwanag ni Sotto na ang polisiya ng MTRCB ay hindi para sa censorship, ngunit para sa responsableng regulation ng industriya ng pelikula at telebisyon.

“Aming nire-reiterate na ang MTRCB ay naniniwala sa regulation, at hindi po prohibition,” sabi niya.


Iminungkahi rin ni Sotto na ang 30% ng kita ng ahensiya ang gawing retained income fund, sa halip ng orihinal na 50% sa panukala ni Estrada. Ang retained income fund ay gagamitin para sa mga gastos ng MTRCB sa unang tatlong buwan ng bawat taon.


“Naniniwala po kami sa prudence and the very good use of funds,” sabi ni Sotto. 

Dagdag niya, nais ng MTRCB na sundin palagi ang utilization standard na itinakda ng Department of Budget and Management (DBM).


Binanggit niya ang mga consistent unmodified opinion na iginawad ng Commission on Audit (COA), na nagsasabing makatarungan at tumpak na naipakita ng MTRCB ang kalagayang pampinansiyal, mga resulta ng operasyon, cash flows at iba pang mahahalagang financial information alinsunod sa mga angkop na accounting at auditing standard ng pamahalaan.


May limang panukalang batas na naglalayong palakasin ang mandato, kakayahan at organizational structure ng MTRCB na nakasalang sa House Committee on Public Information.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page