Clarkson, umambag ng panalo sa Jazz; Hawks, nandagit din
- BULGAR
- Oct 21, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 21, 2022

Bagong kabanata ang binuksan kahapon sa 123-102 panalo ng Utah Jazz sa bisitang Denver Nuggets sa pagpapatuloy ng bagong taon ng NBA kahapon sa Vivint Arena.
Nagtala agad ng tagumpay ang bagong talagang coach Will Hardy kasabay ng bagong papel para kay Gilas Pilipinas Jordan Clarkson.
Sinimulan ni Clarkson ang laro imbes na pumasok bilang reserba at nagbunga ang stratehiya. Gumawa siya ng lima ng kabuuang 10 puntos kasama ang nagpalamang na buslo, 15-13, at 7 minuto ang nalalabi.
Mula roon ay hindi na binitawan ng Jazz ang lamang at umabot ito ng 24 sa second quarter, 68-24, matapos ang magkasunod na shoot nina rookie Walker Kessler at Collin Sexton. Tinodo lalo ng Utah ang depensa at hindi na pinapuntos ang Denver sa huling 4 na minuto habang ipinasok ang huling 10 puntos ng laro.
Isa sa mga manlalarong nakuha ng Jazz mula sa Cleveland Cavaliers kapalit ni All-Star Donovan Mitchell, tila si Sexton na ang gumanap na Sixth Man sa 20 puntos sa 21 minuto bilang reserba. Sinundan siya ng isa pang dating Cavs na si Lauri Markkanen na may 17 puntos.
Hindi naging mabuti ang simula ng kampanya para kay kabayan Jalen Green at Houston Rockets at nanaig sa kanila ang Atlanta Hawks, 117-107. Sa first half lang nakasabay ang Rockets bago biglang umarangkada ang Hawks sa 2nd quarter para sa halftime na 59-50.
Apat sa first five ng Atlanta ang nagsumite ng 20 o higit pa na puntos na sina John Collins (24), Trae Young (23), De’Andre Hunter (22) at Dejounte Murray (20). Nagtala ng 10 puntos si Green sa first half at nagtapos na may 16 puntos sa likod nina Kevin Porter Jr. na may 21 at rookie Jabari Smith Jr. na may 17 puntos.
Pumuntos na may 9.7 segundo sa orasan si Damion Lee upang itulak ang Phoenix Suns sa 107-105 panalo sa Dallas Mavericks kung saan humabol sila mula sa 22 puntos sa 3rd quarter, 45-67. Sumama rin sa mga nanalo ang Portland Trailblazers kontra sa Sacramento Kings, 115-108.




Comments