top of page
Search
  • BULGAR

Clarkson, Tatum, Booker at Durant, sumabog ang laro

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 2, 2022



Nagtala ng bagong personal na marka para sa pinakamaraming puntos ngayong torneo si kabayan Jordan Clarkson sa 125-112 panalo ng Utah Jazz sa bisitang Los Angeles Clippers sa NBA kahapon mula sa Vivint Arena. Nagbagsak ng 33 puntos si Clarkson at mas mahalaga ay ipinutol ng Jazz ang kanilang limang magkasunod na talo at umangat sa 13-11.


Lamang ang Clippers sa first half, 60-58, kaya nagtrabaho ng todo si Clarkson sa second half at gumawa ng 11 puntos sa third quarter upang baguhin ang takbo ng laban pabor sa Utah papasok sa 4th quarter, 94-85. Hindi pa siya tapos at nag-shoot sa 4th quarter upang bigyan ang koponan ng komportableng 113-99 lamang papasok sa huling anim na minuto.


Kumuha rin ang Jazz ng malaking kontribusyon kay Lauri Markkannen na 23 puntos at Collin Sexton na 21 puntos. Gumawa ng 45 puntos si Clarkson noong Marso 12 ngayong taon sa 134-125 panalo sa bisitang Sacramento Kings.




Nagiging mas madalas na binabanggit ang pangalan ni Jayson Tatum ng Boston Celtics kasabay ng iba pang mga retiradong alamat ng prangkisa at naulit ito matapos niyang pangunahan ang 134-121 tagumpay sa bisitang Miami Heat. Nagsumite ng 49 puntos at 11 rebound si Tatum habang 26 puntos si Jaylen Brown at tumibay ang estado ng Celtics bilang numero uno sa buong NBA sa 18-4 panalo-talo.


Hindi nagpahuli si Devin Booker at nagmukha siyang sumabog na bulkan sa 51 puntos sa 132-113 tambakan ng kanyang Phoenix Suns sa bisitang Chicago Bulls at manatiling mag-isa sa tuktok ng Western Conference. Lamang ang Suns matapos ang tatlong quarter, 106-81 at hindi na naglaro si Booker mula roon at dinagdagan ni sentro Deandre Ayton ang numero patungo sa 30 puntos at 14 rebound.


Samantala, nanaig ang Brooklyn Nets sa Washington Wizards, 113-107. Namuno sa Nets si Kevin Durant na may 39 puntos subalit malaking bagay si Kyrie Irving na ipinasok ang 15 ng kanyang 27 puntos sa 4th quarter.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page