Clarkson, Suggs at Kuzma, bida sa Jazz, Magic at Wizards
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 20, 2022

Sumandal ang Utah Jazz sa mga mahalagang buslo nina Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at Lauri Markkanen sa last 2 minutes upang lusutan ang bisitang Phoenix Suns, 134-133, sa NBA kahapon mula sa Vivint Arena. Lumundag ang Jazz sa pangalawa mula ika-apat sa Western Conference sa kanilang ika-11 panalo sa 17 na laro.
Naka-shoot si Clarkson para dagdagan ang lamang ng Utah, 132-128, subalit sinagot ito agad ng three-point play ni Deandre Ayton papasok sa huling minuto, 131-132.
Nakahinga ang Jazz salamat sa buslo ni Markkanen na may 38 segundong nalalabi, 134-131, at nagmintis ang mga tres ng Suns bago itinapik papasok ni Devin Booker ang bola sabay ng huling busina.
Nanguna sa Jazz si Markkanen na may 38 puntos habang 27 si Malik Beasley at 20 si Clarkson. Nasayang ang 49 puntos ni Booker.

Bumanat ng three-points si Jalen Suggs na may 5 segundo sa orasan upang buhatin ang bisitang Orlando Magic kontra sa Chicago Bulls, 108-107. Nagtapos na may pito ng kanyang 20 puntos sa fourth quarter si Suggs at suportahan sina Wendell Carter na may 21 at Franz Wagner na may 20 puntos.
Sa isa pang mahigpit na laro, ipinasok ni Kyle Kuzma ang nagpalamang ng free throw na may 2:48 nalalabi sa overtime at hindi na pumuntos ang mga koponan mula roon para sa 107-106 tagumpay ng Washington Wizards sa Miami Heat. Si Kuzma din ang bumida sa tres na nagtakda ng overtime, 104-104, at 15 segundo sa fourth quarter.
Kinailangan ng Cleveland Cavaliers ang dalawang overtime upang masugpo ang Charlotte Hornets, 132-122. Umapoy si Darius Garland para sa 13 ng kanyang 41 puntos sa dalawang overtime.





Comments