Clarkson, mas matibay sa Wizards, 5 nominado sa HOF
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 24, 2022

Bumida muli si Pinoy Pride Jordan Clarkson sa 120-112 panalo ng kanyang Utah Jazz sa bisitang Washington Wizards sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Vivint Arena.
Tumibay ang kaso ni Clarkson na iboto bilang All-Star sa taunang laro na gaganapin sa Pebrero sa parehong palaruan.
Nagtapos si Clarkson na may 23 puntos habang 21 puntos si Lauri Markkanen. Malaking tulong ang pagbalik aksyon ni Collin Sexton na minana ang papel ni Clarkson bilang Sixth Man o numero unong reserba at nag-ambag 18 puntos sa 17 minuto.
Tinumbasan ng Jazz ang dami ng panalo ng mga kapwa numero uno sa Western Conference na Memphis Grizzlies at Denver Nuggets na parehong 19-11. Umakyat ang Jazz sa pang-anim sa West sa kartadang 19-16.
Nanatiling malapit ang New Orleans Pelicans sa mga nasa tuktok ng West at dinurog ang kulelat na San Antonio Spurs, 126-117. Kalahating laro na lang ang hahabulin ng Pelicans na nasa 19-12 panalo-talo.
Uminit para 40 puntos mula sa pitong three-points si CJ McCollum na pinakamataas niya ngayong taon. Double-double si Jonas Valenciunas na 16 puntos at 10 rebound.
Sa NBA G League, umani ng kampeonato ang Ontario Clippers sa 2022 Winter Showcase Cup matapos lusutan ang Windy City Bulls, 99-97, salamat sa shoot ni Xavier Moon sa huling mga segundo sa Mandalay Bay Convention Center ng Las Vegas, Nevada. Napiling MVP si Brandon Boston Jr. na ibinaba muna ng Los Angeles Clippers sa kanilang koponan sa G League.
Samantala, limang alamat ng NBA ay nominado para sa 2023 Naismith Memorial Hall of Fame. Dadaan sa mga hurado at botohan sina Dirk Nowitzki, Tony Parker, Pau Gasol, Dwyane Wade at Chauncey Billups.





Comments