Clarkson, Harden, Doncic at Jackson, mga namayani
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 1, 2022

Humugot ng lakas ang Utah Jazz kay kabayan Jordan Clarkson upang pabagsakin ang numero unong Phoenix Suns, 118-114 sa NBA kahapon mula sa Footprint Center.
Ipinasok ni Clarkson ang huling 2 puntos na nagbigay ng komportable at sapat na 110-101 lamang at 3:51 ang nalalabi. Nagtapos siya na may 22 puntos sa 4th quarter upang tulungan si Donovan Mitchell sa 26 puntos subalit nalimitahan sa tatlo lang sa huling quarter.
Ramdam na ng Philadelphia 76ers ang lakas na dala ni James Harden at nagtala ng triple double na 29 puntos, 10 rebound at 16 assist upang masugpo ang New York Knicks, 125-109. Ito ang ikalawang laro ni Harden sa bagong koponan habang halimaw sa laro si Joel Embiid na may 37 puntos habang 21 puntos si Tyrese Maxey.
Kumilos ang bisitang Dallas Mavs sa 4th quarter para sa 107-101 tagumpay kontra Golden State Warriors habang bumida si Luka Doncic sa 34 puntos. Bumuhos ng 10 sunod-sunod na puntos ang Mavs upang maagaw ang lamang at lumayo, 100-94 at hindi na nakabawi ang Warriors.
Binasag ng buslo ni Reggie Jackson ang 95-95 na tabla na may 1:25 sa orasan na inasahan ng LA Clippers at biguin ang kulelat na Houston Rockets, 99-98. Bumida si Jackson sa 26 puntos at double-double si sentro Ivica Zubac na 14 puntos.
Naging bayani si Kelly Olynyk sa huling buslo sa busina ng overtime upang makalusot ang Detroit Pistons sa Charlotte Hornets, 127-126. Pinangunahan ang Pistons nina Saddiq Bey sa 28 puntos at Jerami Grant sa 26. Pinutol ng Indiana Pacers ang tatlong magkasunod na panalo ng Boston Celtics, 128-107. Pitong Pacers ang nag-ambag ng 11 o higit pang puntos sa pangunguna nina Oshae Brissett na may 27 at Tyrese Haliburton na may 22.
Tinambakan ng Denver Nuggets ang Portland Trail Blazers, 124-92. Namuno sa Nuggets ang mga reserbang sina JaMychal Green na 20 puntos habang si DeMarcus Cousins ay may 19 puntos.





Comments