Civics Class, nanalo sa Special Race Turf
- BULGAR
- Apr 17, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 17, 2023
Inilampaso ni top favorite Civics Class ang mga nakatunggali matapos angkinin ang panalo sa NPJAI - Mr. Vincent Eric Go Bon Special Race na pinakawalan noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Pinaarangkada ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez si Civics Class paglabas ng aparato upang hawakan agad ang apat na kabayong agwat sa sumusunod na Patong Patong.
Papalapit ng far turn ay kumapit sa unahan ang Patong Patong pero hindi hinayaan ni Hernandez na makaporma ng husto ang kalaban kaya naman inalagwahan nito ang Civics Class upang umunat muli sa rektahan at makalamang ng pitong kabayo.
Dahil hindi nahirapan sa laban ay umabot sa walong kabayo ang agwat ng Civics Class sa nauupos na Patong Patong pagtawid nito sa meta.
Inilista ng anak nina Street Sense at Birds Secret na si Civics Class ang tiyempong 1:37.6 sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si F.R. Sevilla ang P10,000 karagdagang premyo.
Dumating na tersero si Marilag habang pumang-apat si Electrify sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nasiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang kahapon ng Linggo, nagpakawala ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ng 10 races.
Inaasahang mas masisiyahan ang mga karerista sa mga darating na Linggo daahil sa mga stakes races na ilalarga sa karerahan.





Comments