Christmas party, ‘wag munang ipilit
- BULGAR
- Oct 17, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 17, 2021
Habang nagkakaroon ng pagluluwag para sa mga bakunadong mamamayan tulad ng pag-dine in sa mga restoran, nais pang dagdagan ang mga pinapayagang aktibidad sa mga ito.
Kabilang na ang pagpayag na magdaos ng malakihang Christmas parties ngayong Disyembre.
Ito ang paniniwala ng OCTA Research Group sa gitna ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at pagluluwag ng healthcare facilities at isolation centers. Inihalimbawa pa ng grupo ang office Christmas party, kung saan dagdag pa nito, maaari nang ganapin ang malaking party dahil mababa na ang banta ng sakit.
Gayunman, imbes na ayunan, hindi kumbinsido ang Department of Health (DOH) sa pahayag ng grupo. Paliwanag ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan pa ring ipatupad ang minimum health protocols, partikular ang pag-iwas sa matataong lugar at pagdidikit-dikit.
Hindi rin pabor dito ang pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) na si Dr. Jose de Grano. Kung magkakaroon man ng Christmas parties, iginiit niya na posibleng sa magkakadikit na miyembro ng pamilya lamang.
Bagama’t handa ang ahensiya na mag-adjust sa sitwasyon, nananatili naman ang pagtiyak sa kaligtasan ng lahat.
At kahit lumuluwag ang occupancy ng mga ospital, tandaang may mga problema rin ngayon sa tauhan dahil sa pag-alis ng health workers patungo sa ibang bansa.
Habang nais nating magluwag at puwede ngang magdaos ng mga pagtitipon, ang tanong, gaano ito kaligtas? Hangga’t may posibilidad ng hawahan, paalala sa lahat, mas mabuting mag-ingat muna.
Ang mga selebrasyon ay nakapaghihintay, pero ang kaligtasan ng lahat ay dapat panatilihin sa lahat ng oras.
At ‘ika nga, hindi porke may pagbaba ng mga kaso at pagluluwag, aarangkada na tayo sa mga ganap ngayong palapit ang holiday season.
Kaya pakiusap sa mga kinauuklan, isip-isip nang mabuti bago magpatupad ng mga pagluluwag.
Sa pagkakataong ito, hindi tayo puwedeng magkamali dahil hindi dapat masayang ang ating mga pagsisikap at sakripisyo sa mga nakalipas na buwan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments