Christmas party o lamay

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 16, 2020
Paulit-ulit ang panawagan ng pamahalaan hinggil sa pag-iingat sa COVID-19 upang maiwasan na ang pagtaas ng kaso ng pagkakahawa-hawa sa panahong ito ng pandemya.
Kaya maging ang pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagpalabas ng kautusan na bawal na umano ang Christmas parties, carol singing, malaking family gatherings at pagbi-videoke.
Lalo pa’t kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan kaya napakalakas ng kaway ng mga pagsasama-sama na nakaugalian na ng marami sa ating mga kababayan.
Ang naturang desisyon ay base sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) dahil ilang ulit nang napatunayang mabilis kumalat ang virus kapag nagkukumpulan.
Maging ang Octa Research Team ng University of the Philippines ay nagbigay din ng babala na posibleng maging super spreader ang mga seminar, Christmas party at ibang klase ng mass gatherings kung hindi mapipigilan.
Pero sa mga lalawigan ay tila marami ang hindi sumusunod sa mga kautusang ito na mismong ang Pangulo na ng Pilipinas ang nakikiusap na kung maaari ay sumunod tayo sa pinaiiral na health protocol.
Halos mag-iisang taon na ang pandemyang ito at napakarami na ng nahawa, gumaling at nasawi ngunit hanggang sa kasalukuyan ay napakarami pa rin ang hindi sumusunod sa utos ng pamahalaan.
Sa kabila ng napakarami nang nasawi ay may ilan pa rin tayong kababayag hindi naniniwala sa COVID-19 at isa lamang umano itong plandemya at hindi pandemya.
Ito ‘yung mga kababayan nating palaging nasa kabilang banda at maging ang pagpapabakuna sakaling dumating na sa ating bansa ay lubha pang kinatatakutan sa halip na kanilang ikatuwa.
Tila ngayon ay kailangan pang mag-unahan ng mga nakatataas na opisyal ng bansa na magpabakuna upang patunayan lamang na ligtas ang bakunang darating sa bansa laban sa COVID-19.
Dapat hindi tayo magkaroon ng mga ganitong kaisipan na palaging taliwas sa tama o palaging nakakontra dahil kailan man ay hindi mag-iisip ng masama ang gobyerno para sa ating mga kababayan.
Ngayon ay tila nagkaroon pa ng karagdagang kasiyahan ang Christmas party dahil bawal ay tila malaking tagumpay pa kung mairaraos ang party ng hindi nasasakote ng alagad ng batas.
Karagdagang thrill pa ngayong lumalabas ang pagsasagawa ng party dahil sa mga lalawigan ay karaniwang isinasagawa ang mga pagtitipon sa mga pribadong resort at marami na ang nabuko dahil nagpo-post pa sa social media pagkatapos.
Marahil ay angkop na angkop ang babala ng DILG na kung sino ang mahuhuli ay tiyak na mananagot at papatawan ng kaukulang parusa dahil sa marami sa mga lumalabag ay mga empleyado pa ng pamahalaan.
Mas marami ang lumalabag na empleyado ng pamahalaan kumpara sa mga ordinaryo nating kababayan dahil mas malakas ang kanilang loob na patatawarin sila o hindi huhulihin sakaling mabulgar ang nakatago nilang party.
Ang pinakagrabe nilang sasapitin sakaling madiskubre ang ipinagbabawal nilang party ay ang pagsabihan lamang ng mga kakampi nilang awtoridad na itigil na ang party sa halip na hulihin at papanagutin.
Sa mga nagpapalusot at pilit pa ring iginigiit ang pagsasaya ngayong Kapaskuhan ay nais ko lamang ipaalala sa inyo kung ano’ng mas gusto ninyo — Christmas party o lamay?
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments