CHRISTINE, NINANG NG ALDUB NOON, BOTONG-BOTO NGAYON KAY ARJO PARA KAY MAINE
ni Nitz Miralles - @Bida | November 9, 2022

Pati pala kay Christine Bersola-Babao, nagalit ang isang AlDub fan nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Binati lang ni Christine ng happy birthday si Cong. Arjo Atayde at gumamit ng hashtag na #LoversInParis sa photo nina Maine at Arjo na nasa background ang Eiffel Tower, nagalit na ang fan.
Alam daw ni Christine na mag-asawa na sina Alden at Maine at may tatlo nang anak, pero bakit siya sumasali sa zarzuela at naniniwala sa relasyon nina Arjo at Maine?
Bumaligtad daw si Christine na noong kainitan ng AlDub, idineklarang ninang siya nina Maine at Alden, pero ngayon ay si Arjo na ang bet para kay Maine. Hindi na kailangang sumagot pa ni Christine dahil ang mga fans at followers na ni Maine ang sumagot para sa kanya.
Ipinaalala sa fan na ilang beses nang itinanggi nina Maine at Alden na mag-asawa at may mga anak sila. Sa latest interview ni Maine kay Ogie Diaz sa vlog nito, muling nilinaw at itinanggi ng dalaga ang mga maling balita, pero ayaw maniwala ng AlDub fan.
Habang nagkakagulo ang AlDub fans at fans nina Maine at Arjo sa interview ni Ogie sa YouTube channel nito, patuloy sa masayang pamamasyal ang engaged couple. Sa IG story ni Arjo, ini-repost ang post ng Euroluxeprive na photo nila ni Maine at ilang kaibigan sa Paris pa rin.
Isa pa ang photo na ‘yun na magkasama sina Maine at Arjo na siguradong hindi pa rin paniniwalaan at sasabihing edited.





Comments