Chiz, pinaka-'poor' na senador pero afford ang P57M daw na singsing para sa misis
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 30, 2025

PINALABAS NI SEN. ESCUDERO NA SIYA ANG PINAKA-‘POOR’ SA MGA SENADOR, PERO AFFORD BILHAN NG SINGSING WORTH P57M DAW ANG KANYANG MISIS -- Pinutakti nang batikos ng netizens sa social media si Sen. Chiz Escudero kaugnay sa idineklara niyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) worth P18 million na.
Mababatikos talaga siya dahil pinalalabas ni Sen. Escudero na siya ang pinaka-"poor" na senador sa Pilipinas, pero nagawa niyang magregalo ng singsing worth $1M o P57M daw sa kanyang misis na si Heart Evangelista, boom!
XXX
CONG. KIKO BARZAGA, INALASKA NI COMMODORE TARRIELA, SINABIHANG MAGPADOKTOR (SA ISIP?) -- Kung ang ibang inaatake ni Cavite 4th Rep. Kiko Barzaga ay hindi siya pinapatulan, iba si Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Jay Tarriela dahil nang atakehin nito (Cong. Kiko) ang PCG na dapat daw buwagin na ito dahil nasasayang lang umano ang kaban ng bayan dito. May pang-aalaskang pinatulan naman ng PCG spokesman ang kongresista, na dapat daw magpakonsulta na sa doktor ang mambabatas, na bagama’t hindi diniretsa, waring ang nais tumbukin ay magpatingin na ito sa utak, dahil hindi raw katanggap-tanggap na itinataya nila ang kanilang buhay laban sa mapanakop na China tapos may isang lawmaker ang magsasalita ng against sa PCG, period!
XXX
SA ‘PINAS, NINANAKAW NA NG MGA KURAKOT ANG PERA NG BAYAN, PAHIHIRAPAN PA NG GOBYERNO ANG MAMAMAYAN SA TAAS-PRESYO NG BILIHIN -- Lumagapak ang halaga ng peso kontra dolyar, na ibig sabihin ang halaga ngayon ng P1 ay $59.2, at kaya raw nagkaganyan ay dulot iyan ng anomalya sa flood control projects.
At dahil diyan ay obligado ang gobyerno na magtaas ng presyo ng mga bilihin sa ‘Pinas.
Iyan ang nakalulungkot na nangyayari sa ‘Pinas, na matapos nakawin ng mga kurakot ang pera ng bayan, ay pahihirapan pa ang mamamayan sa taas-presyo ng mga bilihin, buset!
XXX
ANTI-POGO BATAS NA, SANA NEXT IPA-STOP ANG STL-CON JUETENG SA CALOOCAN CITY AT MUNTINLUPA CITY DAHIL SALOT DIN ANG GANITONG RAKET -- Nilagdaan na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang batas na nagbabawal sa operasyon ng online gambling na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ngayong batas na ang anti-POGO, sana next na ipagbawal ni PBBM ang operasyon naman ng Small-Town Lottery (STL)-con jueteng kasi tulad ng POGO ay salot din ito sa lipunan.
Dahil sa ngayon ay unti-unti nang nanunumbalik ang STL-con jueteng operations, meron na nito sa Caloocan City na ang mga financier ay sina alyas "Carlo" at "Oye" at walang aksyon laban dito sina Mayor Along Malapitan at chief of police Col. Joey Goforth, at may
ganyang raket na rin sa Muntinlupa City nina alyas "Jojo" at "Touche", at wala ring aksyon laban dito sina Mayor Ruffy Biazon at chief of police Col. Col. Robert Domingo.
Dapat ipa-stop na ni PBBM ang mga STL-con jueteng sa Caloocan City at Muntinlupa City para hindi na mangahas ang iba pang financiers na mag-operate din ng ganitong raket sa iba pang lungsod sa Metro Manila, period!








Comments