CHERIE, ITINAGO SA PUBLIKO ANG CANCER HANGGANG NAMATAY
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | August 8, 2022

Maraming anekdota ang mga nakasamang artista-direktor ng yumaong aktres na si Cherie Gil.
Halos lahat ay pumupuri sa kanyang pagiging professional at magaling na artista.
Bagama’t ang tingin sa kanya ng iba ay mataray at prangkang tao, still, mas marami ang nagsasabing isa siyang mabuting tao at marunong makisama.
Hinding-hindi malilimutan ni Megastar Sharon Cuneta ang pagsasama nila ni Cherie Gil sa pelikulang Bituing Walang Ningning. Dito nagmarka ang iconic line na “You are nothing but a second-rate trying hard copycat!”
Masaya rin ang naging pagsasama nina Sharon, Cherie at Dina Bonnevie sa isang dating movie.
Si Cherie ang binansagang “Primera Contravida” sa showbiz. Ang huli niyang nilabasang teleserye sa GMA Network ay ang Legal Wives na pinagbidahan nina Alice Dixson, Andrea Torres, Bianca Umali at Dennis Trillo.
Umikli ang naging role ni Cherie sa Legal Wives dahil lumipad na siya pa-USA.
Noong October, 2021, na-diagnose siyang may cancer. Feb., 2022, tuluyan na niyang iniwan ang ‘Pinas matapos ibenta ang kanyang mga properties.
Sa New York na siya namalagi sa piling ng kanyang mga anak. Doon na rin siya nag-undergo ng treatment sa cancer.
Nagawang ilihim ni Cherie Gil sa publiko ang kanyang karamdaman. Kaya, marami ang hindi makapaniwala sa biglaan niyang pagpanaw. Tanging ang kanyang pamilya lamang ang nakakaalam ng kanyang tunay na kalagayan.
Si Cherie ang bunso sa mga anak nina Rosemarie Gil at Eddie Mesa. Kuya niya sina Michael de Mesa at Mark Gil (SLN) na tatay ni Andi Eigenmann.
Samantala, hindi malilimutan ng comedian na si Betong Sumaya si Cherie nang mag-guest ito noon sa Bubble Gang. Todo-iwas at takot siyang masampal ni Cherie Gil.
Si Arnold Clavio naman, pangatlo na raw sa mga nasabuyan ng tubig sa mukha nang mag-guest si Cherie sa programang Tonight with Arnold Clavio!
Doon niya nalaman na nangongolekta si Cherie Gil ng mga taong kanyang nasasabuyan ng tubig sa mukha. Nagso-sorry naman daw ang aktres pagkatapos niyang gawin ang eksena.





Comments